Napinsalang pige ng 2 babae sa Cebu dahil sa palpak na retoke, wala raw katiyakan na maibabalik sa dati
Kinasuhan na ang babaeng nagsagawa ng butt implant operation sa dalawang babae na nagreklamo na mistulang “naagnas" ang bahagi ng kanilang puwetan ilang araw matapos ang operasyon. Sa ulat ni GMA-Cebu reporter Chona Carreon sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Biyernes, lumitaw umano na hindi nakarehistro sa Professional Regulation Commission (PRC) sa Cebu City ang nagpakilalang duktora na si Gloria Rabor. Ngunit kahit nakasuhan na si Rabor, hindi pa rin natatapos ang kalbaryo ng dalawang babae na nagreklamo sa kanya na itinago sa pangalang Juana at Julia. Tinatayang aabot sa P200,000 hanggang P300,000 umano ang kakailanganin ng dalawa para muling maoperahan at magamot ang nagsugat na bahagi ng kanilang puwetan. Pero ayon kay Dra Cora Lou Kintanar, dermatology consultant sa Cebu, kahit pa sumailalim muli sa operasyon ang dalawa ay walang katiyakan na maibabalik sa normal ang nasirang bahagi ng kanilang puwetan. Tiyak daw na mag-iiwan ng peklat ang sugat na idinulot ng maling paraan ng paglalagay ng collagen sa kanilang pige. Dapat umanong magsilbing aral sa publiko ang nangyari kina Juana at Julia para maging maingat sa pagpaparetoke upang hindi mauwi sa disgrasya ang hinahangad na kagandahan. Pinaalalahan din ng Cebu Health Office ang publiko na laging tiyakin na propesyunal at lisensiyado ang mga lalapitang duktor na magsasagawa ng operasyon. Nahuli si Rabor ng mga pulis sa inilatag na entrapment operation sa kanyang bahay sa Cebu City. Ito ay matapos magreklamo ang dalawa babae na sumakit at mistulang naagnas ang kanilang puwetan dahil sa pakpak na operasyon umano sa kanila ni Rabor.- FRJ, GMA News