Malaswang show sa isang bar sa Cebu, naaktuhan sa pagsalakay ng mga pulis
Dalawa katao ang dinakip ng mga pulis sa isinagawang pagsalakay sa isang bar sa Cebu City para sagipin ang mga menor de-edad na empleyado. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Martes, sinabing ang dinakip ng mga operatiba ay ang manager at kapatid ng may-ari ng bar. Isinagawa ang pagsalakay ng mga operatiba dahil sa ulat na may mga menor de-edad na nagtatrabaho doon. Sa raid, naaktuhan din umano na may ilang babae na nagsasayaw nang nakahubad. Umabot sa 18 babae ang nasagip kasama na ang ilang menor de-edad na dinala sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development. Samantala, inamin umano ng mga inarestong tagapamahala ng bar na may mga menor de-edad nga silang empleyado. Nahaharap sila sa kasong paglabag sa human trafficking act. – FRJ, GMA News