ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Anak ni Dolphy, masama ang loob sa mga nagkakalat ng maling impormasyon tungkol sa ama


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hindi naitago ng isang anak ni Dolphy ang pagkadismaya sa mga taong nagpapakalat umano ng maling impormasyon tungkol sa tunay na kalagayan ng kalusugan ng King of Comedy. Sa panayam ni showbiz reporter Nelson Canlas sa Chika Minute nitong Biyernes, sinabi ni Ronnie Quizon na naging malubha ang kalagayan ng kanyang ama kaya ito isinugod sa ospital noong Sabado at ipinasok sa intensive care unit o ICU. Dahil nanghihina bunsod ng pulmonya, kinailangan na kabitan ng respirator ang beteranong aktor para tulungan ito sa paghinga. Dahil na rin sa edad ni Dolphy na magdiriwang ng kanyang ika-84 kaarawan sa July, humina na ang kanyang immune system. Ikinababahala rin umano ng pamilya ang sakit nito na chronic obstructive pulmonary disease (COPD), na naglilimita sa hangin sa baga. Paliwanag ni Ronnie, kahit simpleng plema ay maaaring ikamatay ng kanyang ama dahil maaari itong bumara sa baga. Pero stable naman daw ang kalagayan ngayon ng aktor. Katunayan, nagagawa pa rin umano nitong magbiro at magpatawa kahit sa pamamagitan ng facial expression. Sinabi pa ni Ronnie na sakabila ng kalagayan ng ama ay nagpapasalamat ito sa mga nagpaabot ng suporta at panalangin para sa kanyang paggaling. (Basahin: Ilang celebrities at fans, nagpaabot ng panalangin para sa paggaling ni Dolphy) At sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon, ito ang naging pahayag ni Ronnie: “Mahiya naman kayo sa sarili niyo. Kasi yung tatay ko, kami lahat we were attending to him okey. May sakit yung tatay ko tapos ganyan kayo. Inuubos niyo pa yung panahon namin para magpaliwanag sa ibang tao." - FRJimenez, GMA News