Dolphy, ang sikat na artistang ‘takot’ na pumasok sa pulitika
Papalapit na naman ang eleksiyon sa susunod na taon. Asahan na marami na namang artista ang magbabakasakaling paningningin ang kanilang bituin sa pulitika mula sa takilya. Sa nakaraang 2010 presidential elections, umabot sa mahigit 100 celebrities ang kumandidato sa iba’t ibang posisyon sa gobyerno. Labing-anim sa kanila, national position ang inasinta. Sa isang panayam noong 2010 kay Prof. Luis Teodoro, former dean ng UP College of Mass Communication at director ng Center for Media Freedom and Responsibility, sinabi nito na dumadami ang artistang pumapasok sa pulitika dahil sa "pagbagsak ng movie industry" at "public frustration." “I think stars have limited options," aniya. "There’s a decline in the movie industry so they go on TV or politics. Tingin nila kasi madali lang manalo dahil sa pangalan. On the psychological aspect, I think gusto nilang laging nasa limelight." (Basahin: Celebrities seeking posts in the May 10 polls) Ilan sa mga pinalad na manalo sa nakaraang halalan ay sina Sens Ramon “Bong" Revilla Jr., Jinggoy Estrada, Tito Sotto at Lito Lapid. Nagningning din ang bituin nina Vilma Santos (Batangas governor), George Estregan Jr., (Laguna governor), Daniel Fernando (Bulacan vice governor), Reps. Manny Pacquiao (Saranggani), Lucy Torres-Gomez (Leyte), Lani Mercado-Revilla (Cavite) at Dan Fernandez (Laguna). Pero marami rin ang nabigo gaya nina dating Pangulong Joseph Estrada, na natalo kay Pangulong Noynoy Aquino III, si Edu Manzano na tumakbong bise presidente, si Cesar Montano na bigong maging gobernador ng Bohol, at sina Aiko Melendez, Joey Marquez at Anjo Yllana. (Basahin: Celebrity winners and losers in May 2010 polls) Talagang natatangi si Dolphy, o Rodolfo Vera Quizon sa tunay na buhay, dahil sa kabila ng kanyang kasikatan, hindi siya nagpadala sa mga panghihikayat na tumakbo sa halalan. Sa isang panayam sa kanya noon, inamin ni Dolphy na natatakot siya kaya ayaw niyang tumakbo. Natatakot siya -- hindi na baka matalo – kung hindi baka manalo. “Huwag na. Natatakot ako," pahayag ni Dolphy nang tanungin sa mga mungkahing tumakbo sa pulitika. “Bakit ka matatakot? Siguradong mananalo ka," tugon naman ng nagsagawa ng panayam. “Doon ako natatakot, eh. Baka manalo ako. Madaling tumakbo, paano kung manalo?," ang klasikong sagot ni Dolphy. Mga tatakbo sa 2013 polls Sa ngayon, ilang artista na ang nagpahayag ng kanilang plano na tumakbo sa halalan sa susunod na taon. Ilan sa kanila ay hindi pa lubos na nakapagdedesisyon at malalaman umano ang kasagutan kapag naihain na ang kanilang certificate of candidacy sa Oktubre. Kabilang dito si dating Pangulong Joseph Estrada na tatakbong alkalde ng Maynila at posibleng makalaban ni incumbent mayor Alfredo Lim. Magiging running mate ni Estrada ang dating That’s Entertainment member at incumbent Manila vice mayor na si Isko Moreno. Posible namang magkalaban sa 2013 polls sina incumbent Bulacan vice governor Daniel Fernando at action star Phillip Salvador. Habang posisyon naman sa Kongreso ang napabalitang aasintahin nina Quezon City Councilor Alfred Vargas at Valenzuela Councilor Shalani Soledad-Romulo. Pagka-kongresista rin ang sinasabing planong takbuhan nina Aga Muhlach (Camarines Sur), Annabelle Rama (Cebu), at Omenig Bondoc (Bataan). Ang incumbent councilor ng Parañaque City na si Alma Moreno, planong tumakbong senador sa susunod na halalan. Samantalang nais ni Richard Gomez na tumakbong alkalde ng Ormoc City kung saan nakaupong kongresista ang kanyang misis na si Rep Lucy Torres- Gomez. Asahan na muling tatakbong gobernador ng Batangas si Vilma Santos-Recto, habang hinihikayat naman ang kanyang anak na si Luis Manzano na tumakbong alkalde ng Lipa, Batangas. Pagka-kongresista muli ang kampanya ni Cavite Rep Lani Mercado, habang sa konseho naman ng Malabon si Angelika dela Cruz. - FRJimenez, GMA News