GMA News Online Ulat Filipino » Balitang Pinoy » Dolphy

Dolphy, isinailalim muli sa dialysis

June 23, 2012 2:11pm
Muling isinailalim sa dialysis ang Comedy King na si Rodolfo “Dolphy" Vera Quizon nitong Sabado, ayon sa kanyang anak na si Ronnie Quezon.

Sa ulat ng GMA News TV’s “Balitanghali", sinabi ni Quizon na ginawa muli ang dialysis sa kanyang ama, isang araw matapos itong itigil bunga ng komplikasyon nang bumalik ang kanyang pneumonia.

Ang pagsasailalim muli kay Dolphy sa dialysis ay itinuturing nilang magandang balita dahil indikasyon ito na bumuti ang kalusugan ng kanilang ama.

Kasabay nito, nakiusap siya na itigil na ang pagkakalat ng maling impormasyon na pumanaw na ang beteranong aktor na kumakalat pa rin umano sa Internet.

Nananatili ring nakasubaybay ang kanilang buong pamilya sa kalagayan ng kanilang ama na nakaratay sa Makati Medical Center mula pa noong June 9.

Kabilang umano sa nagbantay kay Dolphy nitong Biyernes ng gabi ay ang aktres na si Maricel Soriano, na gumanap na anak ng comedy king sa pumatok na sitcom noon na “John En Marsha."

Mula naman sa biyahe sa Amerika, kaagad na dumalaw ang aktres na si Nova Villa sa ospital nitong Sabado ng umaga.

Si Nova ang gumanap na misis ni Dolphy sa isa pang sitcom nito na “Home Along Da Riles." — FRJ, GMA News



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus
advertisement

Talk of the web

advertisement
advertisement