Mayor Sara Duterte, nag-sorry na sa sinuntok niyang court sheriff noong 2011
Humingi na ng paumanhin nitong Huwebes si Mayor Sara Duterte kay Sheriff Abe Andres na sinuntok niya noong nakaraang taon sa kasagsagan ng kaguluhan sa nagaganap na demolisyon ng mga bahay sa lungsod. Sa ulat ng GMA News TV Balita Pilipinas Ngayon nitong Biyernes, sinabing ginawa ni Duterte ang public apology sa isang pulong balitaan. “Hindi pa talaga ako nakakapag-sorry publicly. I would like just na ipaabot kay Sheriff Andres at lalo na sa kanyang pamilya na kahit wala sila dun sa pangyayari, but I know na nasaktan din sila, sorry sa kanila," pahayag ng alkalde. Sinisikap pa umano na makuha ang reaksiyon ni Andres tungkol sa paghingi ng paumanhin ng alkalde. Matatandaan na sinugod at sinuntok ni Duterte sa mukha si Andres noong July 1, 2011 matapos sumiklab ang kaguluhan sa demolisyon ng mga bahay sa lungsod. Sinabi ni Duterte na nagalit siya dahil hindi pinakinggan ni Andres ang pakiusap niya na bigyan ng ilang oras na palugid ang mga apektadong residente ng demolisyon. - FRJ, GMA News