GMA News Online
Showbiz
»
Chika Minute

Tenants ni Amalia Fuentes, itinangging hinambalos nila ng payong ang dating aktres

July 5, 2012 7:42pm

Pinabulaanan ng mag-asawang tenant ni Amalia Fuentes ang alegasyon sa kanila na hinambalos ng payong at sinaktan nila ang beteranang aktres nang sumugod ito sa inuupahan nilang bahay sa New Manila, Quezon City.

Sa panayam ng GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabi ni Gng Rosemarie Licup na sila ng kanyang mister na si Peter Tan Licup ang sinaktan ni Amalia at anak nitong si Jeric.

Kung nagkaroon man daw ng mga pasa sa katawan ang mag-ina, ito ay bunga umano ng ginawa nilang pagbangga sa gate ng inuupahan nilang bahay na pag-aari ng dating aktres.

Hindi rin umano totoo na mayroon silang tauhan na may dalang baril.

Kinunsulta na rin umano ng mag-asawang Licup ang kanilang abogado para sa posibleng kaso na maaaring isampa nila sa mag-ina.

Sa hiwalay na ulat ni John Consulta sa QRT ng GMA News TV nitong Huwebes, sinabing ipina-blotter ni Amalia ang insidente ng sakitan sa Quezon City Police District Station 11 nitong Miyerkules ng hapon.

Nag-ugat umano ang kaguluhan nang dalhin ni Amalia sa mag-asawang Licup ang kopya ng tumalbog na tseke na inissue nila na nagkakahalaga ng P25,000.

Ayon kay Amalia, si G. Licup ang naunang nanakit at mayroon pa umanong tauhan ng mag-asawa ang naglabas ng baril. (Basahin: Amalia Fuentes, hinataw umano ng payong ng kanyang tenants)



Ngunit bago pa man makapagpa-blotter si Amalia, nauna na umanong nagpa-blotter ang mag-asawang Licup noong Martes sa nasabi ring police station. Ito ay dahil naman sa pagbabanta at trespassing na ginawa umano ng dating aktres.

Kuwento umano ng isang tauhan ng pamilya Licup sa naganap na kaguluhan, habang nakikipag-usap ang mag-asawa ay biglang may sumuntok kay G. Licup.

Bukod dito, si Amalia umano ang humahampas ng payong sa kanyang amo.

Dagdag ng tauhan, dinaganan pa umano ni Jeric si G. Licup at nagbasag din daw ang mga ito ng paso.

Hindi rin umano ito ang unang pagkakataon na sumugod sa pinapaupahang bahay si Amalia. – FRJ, GMA News
Go to comments




We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus