ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Hinirang na Nat'l Artist ni Arroyo, handang magparaya para kay Dolphy


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nakahanda si Cecile Guidote-Alvarez na ipaubaya ang natanggap niyang parangal bilang National Artist for Theater noong 2009 kung magiging daan ito upang mapadali ang paghirang kay Comedy King Dolphy bilang Pambansang Alagad ng Sining. “Ako, I’m willing to waive yung National Artist award ko kung makakatulong ‘yon to expedite yung (pag-declare) kay Dolphy," pahayag ni Guidote-Alvarez nitong Biyernes nang makapanayam ng GMA News Online sa telepono. Si Guidote-Alvarez, dating pinuno ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), ay kasama sa pitong alagad ng sining na hinirang ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na national artist noong 2009. Ngunit nagpalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Korte Suprema para sa tuluyang pagdeklara sa pito bilang National Artist matapos kuwestiyunin ng ilang grupo ang pagpili ni Arroyo sa ilang pinarangalan. Kinukuwestiyon ng ilang grupo ang paghirang ni Arroyo sa apat na personalidad bilang national artists -- kabilang si Guidote-Alvarez -- kahit hindi sila kasama sa listahan ng mga pangalan na inirekomenda ng NCCA at Cultural Center of the Philippines (CCP). Ang nakabinbing kaso sa SC ang itinuturong dahilan kung bakit mabagal ang pagtalakay ngayon sa bagong grupong hihiranging national artist kung saan posibleng makasama na si Dolphy. (Basahin: PNoy's hands tied from conferring National Artist title on Dolphy) Dolphy, nalaglag dahil sa gay roles Bilang opisyal ng NCCA, kasama si Guidote-Alvarez sa grupo na sumala sa mga nominadong national artist noong 2009. Ayon kay Guidote-Alvarez, kasama noon si Dolphy sa mga nominado bilang National Artist for Film mula sa rekomendasyon ni Sen Manny Villar. Kasama ni Dolphy sa nominasyon sa kategorya ang dating direktor at aktor na si Manuel Conde, na siyang napili bilang National Artist for Film nang taong iyon. Iginiit ni Guidote-Alvarez na hindi tama na sila ang sisihin kung bakit hindi nadeklarang national artist si Dolphy noong 2009 dahil magkaiba naman ang kanilang kategorya. Kuwento niya, nakapasok si Dolphy sa unang deleberasyon ng komite na sumala sa mga nominado, pero nawala na ang pangalan ng aktor sa ikalawang deliberasyon. Tinukoy ni Guidote-Alvarez si Nicanor Tiongson, dating presidente ng CCP, na siyang matinding tumutol sa nominasyon ni Dolphy dahil umano sa mga pagganap ng comedy king sa karakter nito na bakla sa mga pelikula. “Nagulat ako inalis siya (Dolphy). Bumili pa nga ako ng libro niya para ipakita sa kanila (members) yung biography niya to show na karapat-dapat siya," ayon kay Guidote-Alvarez, nagtatag ng Philippine Educational Theater Association (PETA). Naniniwala ang dating opisyal na karapat-dapat si Dolphy na mapabilang sa listahan ng mga Pambansang Alagad ng Sining, at dapat umanong maibigay ito sa beteranong aktor habang nabubuhay pa. “Ako mas gusto ko na maibigay sa isang tao ang award habang buhay pa. Papaano pa niya maa-appreciate ‘yon kung patay na siya," pahayag ni Guidote-Alvarez na nagsabing may hiwalay na parangal silang ipinagkaloob noon kay Dolphy. Idinagdag pa niya na maaari namang pabilisin ng kasalukuyang pamunuan ng NCCA at CCP ang pagproseso sa nominasyon ni Dolphy bilang national artist kung nanaisin ng mga kasalukuyang opisyal ng dalawang ahensiya. Iginiit niya na hindi na dapat harangin ang paghirang kay Dolphy bilang national artist dahil maging ang mga matataas na opisyal ng bansa – katulad ni Speaker Feliciano Belmonte Jr., ay pabor na gawing pambansang alagad ng sining ang 83-anyos na komedyanteng aktor. Pwedeng maghirang ang Pangulo Kung tutuusin, sinabi ni Guidote-Alvarez na mismong si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, ay may maaaring hirangin si Dolphy na national artist kahit hindi ito irekomenda ng mga kasapi ng CCP at NCAA. "It is our conviction that President Aquino can bestow the honour on Dolphy before his health again deteriorates even as we await the Supreme Court decision to which we defer," nakasaad sa hiwalay na pahayag na ipinalabas niya nitong Sabado. "This is because the TRO conferment refers only to the seven artists proclaimed in 2009. The submitted list to the Supreme Court by Almario et al does not include Dolphy and is therefore not covered by the status quo order. To me it is infinitely sad that Federico Aguilar Alcuaz, a great Filipino painter, was embroiled in the 2009 National Artist award controversy and therefore was not duly honored before he died due to the protest led by Virgilio Almario," dagdag niya. Bukod sa paghirang ni Arroyo ng apat na national artists na wala sa listahan ng CCP at NCAA, kinuwestiyon ng ilang grupo kung bakit inalis ng dating pangulo ang pangalan ni Dr. Ramon Santos (music), na kasama naman sa mga inirekomenda ng dalawang ahensiya. Igiinit naman ni Guidote-Alvarez, na kung hinirang man siya ni Arroyo bilang national artist, hindi niya ito hiningi. Higit sa pagkilala, sinabi ng dating opisyal na mahalaga sa kanya ang kanyang dignidad na sinisira umano ng mga taong tumututol na hirangin siyang national artist. “Nagulat nga ako nung malaman ‘ko. May mga nag-recommend pala sa akin na idineretso sa Malacañang. At doon sa Macalañang may sarili silang komite na nag-i-screen sa mga na-nominate," ayon sa dating opisyal. Idinagdag niya na magiging malaking kasalanan noon sa mga taong nagtiwala at nagrekomenda sa kanya kung tinanggihan niya ang naturang pagkilala na iginawad ni Arroyo. Ayon pa kay Guidote-Alvarez, ang paghirang ng pangulo ng national artist kahit wala sa listahan ng mga inirekomenda ng CCP at NCCA ay naayon sa batas, alinsunod sa isang Executive Order na patungkol sa "Honors Code of the Philippines." "Unless EO 435 / 236 is superseded or repealed by another executive order or a new law, as of now this particular law prevails and must be followed," pagdiin niya. Noong 1997, nilikha ni dating Pangulong Fidel Ramos ang kategoryang National Artist for Historical Literature at ipinagkaloob niya ito sa biographer na si Carlos Quirino. Ibinigay ni Ramos ang naturang parangal kay Quirino kahit hindi kasama ang pangalan nito sa mga inirekomendang national artist. Dapat magkaroon ng reporma Aminado si Guidote-Alvarez na kailangang magkaroon ng reporma sa proseso ng pagpili ng mga national artist. Bukod sa walang pagkakataon ang isang nominee na maipagtanggol ang kanyang sarili kapag may kuwestiyon sa kanyang pagkatao, masyado raw mabilis ang ginagawang pagsala sa listahan ng mga nominado. “Hindi yung over lunch tapos na. Dapat maging stringent ang pagpili, walang bias," aniya. Umaasa si Guidote-Alvarez na matatapos na ang usapin ng national artist na nakabinbin sa SC. At kasabay nito ay mahirang na rin na national artist si Dolphy na nakatakdang ipagdiwang ang kanyang ika-84 kaarawan sa July 25. - FRJimenez, GMA News