Mga pekeng seasoning mix, nakumpiska sa Iloilo City
Kahon-kahon na pekeng seasoning mix ang nakumpiska ng mga awtoridad sa Iloilo City matapos na magreklamo umano ang mga manufacturer ng orihinal na produkto. Sa ulat ng GMA News TV’s Balita Pilipinas Ngayon nitong Miyerkules, sinabing nasabat ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-PNP) ang mga pekeng pampalasa ng pagkain sa Iloilo Terminal Market. Ayon sa ilang mamimili, napansin nila na kakaiba ang lasa ng pekeng produkto at hindi rin umano ito katulad ng amoy ng orihinal na seasoning mix. Paliwanag ng mga awtoridad, mapapansin ang kaibahan ng produkto sa pakete nito. Kapansin-pansin din na higit na mura ang presyo ng pekeng pampalasa. Sinabi naman ng mga nagtitinda na nakumpiskahan ng pekeng produkto na hindi nila alam na peke ang kanilang ibinebenta. Magsasagawa naman ng mas malalim na imbestigasyon ang pulisya tungkol sa pekeng seasoning mix para matukoy kung saan nanggaling ang mga ito. - FRJ, GMA News