Davao region at Iloilo sa Visayas pinaghanda sa kalamidad
Hinikayat ng Office of Civil Defense ang lahat na mga opisyales at mamamayan sa Davao region na maging handa sa anumang darating na kalamidad; pinaghahanda naman ng Mines and Geo-Sciences Bureau ang mga residente sa probinsya ng Iloilo sa posibleng pagguho muli ng lupa sa tatlong barangay sa isang bayan doon. Ang babala ng OCD ay nag-ugat sa sunud-sunod na pag-ulan sa mga nakalipas na araw na nagdulot naman ng paglambot ng lupa doon, ayon ulat ni Erning Arenas ng RGMA-Davao sa DZBB. Ayon sa OCD, umabot na sa 52 ang naitalang namatay sa Davao region sa mga nakaraang kalamidad sa kasalukuyang taon. Nakapagtala umano ang OCD ng pitong landslides sa Pantukan, Compostela Valley. ayon sa lulat, ang mga bundok ng Pantukan ay naging na tirahan ng libu-libong mamamayan na nagbabakasaling yumaman sa pamagaitan ng pag-mimina ng ginto. Marami na ang namatay sa mga nangyaring landslides sa nasabing lugar. Noong nakalipas na taon, 57 na baha ang naitala ng OCD sa rehiyon. Samantala, pinag-iingat naman ng Mines and Geo-Sciences Bureau (MGB) ang mga residente sa Tigbauan, Iloilo, sa posibleng pagguho muli ng lupa sa tatlong barangay doon. Ayon sa report ni Melanie Ferrer ng RGMA-Iloilo sa DZBB, ibinunyag ni MGB Regional Diorector Leo Van Hugwan na gumuho ang lupa sa mga barangay ng Bagacay, Taro at Alupidian dahil sa sunud-sunod na pag-ulan sa mga nakalipas na mga araw. Base sa pag-aaral ng MGB, kahit na "moderate" ang naging pag-guho ng lupa sa tatlong barangay, posible umanong muling gumuho pa ang lupa doon. Ang Tigbauan ay walang forest cover at napabilang sa listahan ng mga "landslide-prone areas" sa Pilipinas. — LBG, GMA News