GMA News Online
Showbiz

Mikael Daez and Andrea Torres to topbill remake of ‘Sana Ay Ikaw Na Nga’

July 30, 2012 3:30pm

Masayang-masaya at ‘di pa rin makapaniwala ang new faces ng Afternoon Prime na sina Mikael Daez at Andrea Torres  sa big break na ibinigay sa kanila ng GMA Network.
 
Si Mikael at Andrea kasi ang gaganap sa remake ng isa sa pinakamalaking drama series ng GMA na Sana Ay Ikaw Na Nga, na una nang pinagbidahan ni Dingdong Dantes (Carlos Miguel Altamonte) at Tanya Garcia (Cecilia Fulgencio).
 
Katunayan ay napaiyak pa si Andrea nang malaman nitong siya na ang bagong Cecilia Fulgencio dahil matagal niya nang hinihintay ang big break na ito. 
 
“Sobrang saya namin, kasi matagal na naming hinihintay ito. Kahit noong nasa My Beloved pa kami, madalas na kaming asaring dalawa kasi kami lang ‘yong walang loveteam doon. Sobrang hindi talaga namin akalain. Pero kailangan pa ring ma-prove namin na deserving kami sa role na ibinigay sa amin,” kwento ng Kapuso actress.
 
Paniwala ni Mikael, tila isang destiny ang pagkakatambal nito sa magandang aktres. “Iyong pang-aasar sa amin, nagkatotoo nga! So ang galing lang, destiny talaga ito. Wala na ring ilangan sa aming dalawa at ‘yong friendship talaga nandoon na.”
 
Nang tanungin ang dalawa kung magkakaroon ng pagbabago sa remake ng Sana Ay Ikaw Na Nga, ito naman ang naging sagot nila. 
 
“I think revised na. 2001 pa ‘yong kina Dingdong at Tanya, kaya ngayon  siguradong pagagandahin ‘yon ng aming scriptwriter na si RJ Nuevas. Siya rin kasi ‘yong scriptwriter namin sa My Beloved,” pagpapaliwanag ng good-looking actor. 
 
 “Gusto namin na ma-curious pa rin sila sa mga susunod na pangyayari sa Sana Ay Ikaw Na Nga, at sa tingin ko nama’y siguradong mas exciting,” dagdag ni Andrea.
 
Ikinuwento rin nila ang pinaplano nilang preparations para sa roles na kanilang gagampanan. “Siyempre ‘yong character talagang aalamin namin, para pag pinanood ng mga tao ma-e-enjoy nila, at makaka-relate talaga sila.Tsaka, we have a big goal talaga, at focused kami,” pagdedetalye ni Andrea. 
 
Para naman kay Mikael, handa itong gawin ang lahat, mapaganda lamang ang kanilang soap. “Ako naman sa paghahanda, excited ako mag workshop. Kahit extra workshop pa ‘yan pwede ko ‘yang hanapin with Andrea! Kasi ito nga ‘yong launching soap namin ‘di ba? All out na ito at wala nang iiwanan pa!”
 
Nang tanungin kung nape-pressure ba sila sa malaking break na ibinigay ng GMA Network, ito naman ang naging sagot ng dalawa. “Nararamdaman ko ‘yong pressure pero, napapatungan siya ng excitement. Binigay sa amin ito, so dapat ay kunin na namin. Excited na kami eh, ang tanging iniisip namin is how can we make it better, at kung paano kami maghahanda para sa mga roles namin at sa mga tapings namin. At saka very excited ako kasi first time kong a-attend sa meeting na ganito eh. Sobrang exciting lang talaga,” ayon kay Mikael.  
 
“Hindi ba for the longest time you have been working hard for it na sana mabigyan ka ng break. So ito na nga dumating na! Pero ito na, ayokong mangliit sa responsibilidad. Gusto ko lang siyang gamitin para mapakita sa lahat na worth it kami (Mikael). Siguro gagamitin namin ‘yong pressure para maibigay naming ‘yong best namin,” dagdag ni Andrea.
 
Nang tanungin naman sila kung posibleng madevelop sila sa isa’t isa dahil kapwa wala naman silang relasyon, ito naman ang nakangiting sagot ni Mikael. “We’ll see! Marami pang mangyayari. Ito pa rin ‘yong umpisa so, I’m not closing my doors to anything.”
 
Abangan sina Mikael Daez at Andrea Torres sa Sana’y Ikaw Na Nga sa Afternoon Prime, ngayong Setyembre. — GMANetwork.com
Go to comments