ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
2 anak ni FPJ, ikinatuwa ang pagkumpirma ng Malacañang sa National Artist award sa yumaong ama
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Pinagtibay kamakailan ng Malacañang ang paggawad ng National Artist award sa namayapang aktor na si Fernando Poe Jr., ang pinakamataas na parangal para sa isang alagad ng sining sa Pilipinas, kaya naman ikinatututwa ito ng anak ni FPJ na si Grace Poe-Llmanzares, MTRCB chairperson.
"Masaya na rin. Masaya kami talaga kasi 'yon naman talaga ang gusto namin, eh, ang matanggap sa isang pinuno na respetado ng nakararami," pahayag ni Grace sa ulat ni Nelson Canlas sa Chika Minute ng 24 Oras nitong Martes.
Bukod kay Grace, labis din ang pagkagalak ng isa pang anak ni FPJ na si Lovi Poe sa paggawad ng parangal ng Malacañang para sa kanyang ama.
Wika pa ng Kapuso star, "It's nice that my dad is being remembered this way kahit wala na siya."
Paglilinaw ni Llamanzares, hindi nila tinanggihan ang naturang parangal bagkus dahil na rin sa pagkukwestiyon ng pamilya sa mga kontrobersiya sa politika at sa pagkakapanalo ni Mrs. Arroyo noong eleksyon 2004, minabuti na nilang huwag nang pumunta ng Malacañang para tanggapin ang parangal.
"Ang isang karangalan, gusto mo naman matanggap sa isang taong tinitingala mo at marangal din so, hindi na kami pumunta sa Malacañang," sabi ni Grace.
Dagdag pa ntio, "Ngayon, pinadala ba nila sa amin 'yong plake, hindi! Nawala nila 'yong plake [at] nawala rin nila 'yong medalya."
Matatandaang naging magkatunggali sina Mrs. Arroyo at FPJ sa pagka-pangulo sa national elections noong 2004 kung saan nanalo si Mrs. Arroyo sa mahigit na isang milyong boto .
Pumanaw naman ang tinaguriang 'The King' noong Disyembre 2004, ilang buwan pagkatapos ng eleksyon.
Samantala, nilagdaan ng Pangulong Benigno Aquino III ang bagong proklamasyon sa naturang award at nagpagawa na rin ang Palasyo ng bagong plake at medalya.
Maliban dito, pinaplantsa na rin ang plano sa naturang award at posibleng sa susunod na buwan na ang seremoniya ng paggagawad.
Ayon pa kay Grace, "Sa isang seremoniya, maganda naman 'yon. I think it's really an honor that my mom also deserves to experience on behalf of my dad, diba? Maganda rin naman 'yon." — Mac Macapendeg/RSJ, GMA News
Tags: fernandopoejr,
More Videos
Most Popular