GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy
»
RH Bill

Pinuno ng DOH, nanawagan sa Kamara na ipatupad ang RH bill

August 13, 2012 6:49pm

Nanawagan si Department of Health (DOH) Secretary Enrique Ona nitong Lunes sa mga miyembro ng Kamara sa mabilisang pagpapasa sa panukalang reproductive health (RH) bill upang masolusyunan ang patuloy na pagdami ng mga ina na namamatay sa kanilang panganganak.

Sa naganap na 2013 budget hearing ng DOH, inamin ni Ona na sa huling 10 taon, "limitado" lamang ang progresong naisagawa ng gobyerno upang masolusyunan ang maternal mortality rate at sa pagpukaw sa kaalaman ng publiko sa iba't ibang pamaraan ng family planning.

“Maternal deaths are highly preventable. Reducing maternal deaths will require this critical legislation… I think I do not have to belabor that anymore,” kanyang inihayag sa pagdinig nitong Lunes.

Ayon sa kanya, mula sa tala ng DOH, napag-alamang tumaas sa 221 ang maternal mortality rate ng bansa sa bawat 100,000 nanganak noong nakaraang taon, kumpara sa 162 noong 2009.

Nag-apela muli si Ona sa pagpapasa ng RH bill, na kilala rin bilang House Bill 4244, isang linggo matapos magdesisyon ang Kamara na tapusin ang pagdedebate tungkol sa isyu.

'Hindi sapat' na pondo

Ayon kay Ona, hindi umano sapat ang P2.5 bilyong pondong inihain ng departamento para sa programang family planning at responsible parenting upang masolba ang mga problemang kaugnay ang reproductive health sa bansa.

“We need a legislation that will mandate the provision of modern family planning practices to those who need them, but are unable to acquire on their own,” aniya.

Iniendorso ng panukalang RH ang kapwa natural at artipisyal na pamaraan ng family planning. Kinilala ito ni Pangulong Benigno Aquino bilang isa sa kanyang priority legislations.

Ayon sa Section 28 ng HB 4244, kinakailangang maglaan ang gobyerno ng bahagi sa pambansang pondo upang matustusan ang mga kinakailangan sa mga modern family method.

Lubos na tinutulan ng Roman Catholic Church ang panukala sapagkat ang natural family planning lamang na paraan ang kanilang sinusuportahan.

Mayroon nang batas

Samantala, kinuwestiyon naman ni Zambales Rep. Milagros Magsaysay, tutol sa RH bill, ang pagsuporta ni Ona sa iminumungkahing panukala.

Ayon sa mambabatas, kasalakuyan na umanong ipinapatupad ang ilang probisyon sa panukalang RH sa ilalim ng Republic Act 9710, o ang Magna Carta of Women.

"There is already an existing law that gives women access to information and the methods they need to plan their families… The government is already implementing it,” aniya.

Sagot naman ni Ona, sinusubukan umano ng kanilang departamento na ipatupad ang nasabing batas ngunit kinakailangan pa rin ang supplemental legislation upang mapabuti ng mga kababaihan ang pagpaplano sa kanilang pamilya.

“There is no question about the fact that we need a law that will supplement our existing laws to make sure that we are able to achieve our goals on maternal healthcare,” aniya. - Amanda Fernandez/BM, GMA News




We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus