Pulitika, ugat ng problema sa squatters sa MManila — Rep. Quimbo
Habang sinisisi ang pulitika sa pagdami ng mga informal settlers sa Metro Manila, hinahamon naman ni Marikina Representative Miro Quimbo ang lahat ng mga lokal na opisyal na isantabi ang kanilang sariling kapaninabangan sa gagawing paglilinis sa mga iskwater sa kanilang mga nasasakupan. Sa ulat ni Rowena Salvacion sa dzBB, sinabi umano ito ni Quimbo kasabay sa balak ng gobyerno na alisin ang mga istruktura na nakabara sa mga estero, kanal at iba pang waterways bilang bahagi ng flood-control master plan sa kalakhang Maynila. INaasahan na kapag naipatupad na ang paglinis sa mga iskwater, makaaapekto ito sa interest ng mga pulitiko lalo na papalapit na ang eleksiyon dahil malaking boto ang nagmumula sa sektor ng informal settlers. Ayon kay Quimbo, dapat umanong unang isipin ng mga local government units (LGUs) na hindi ang kanilang sariling interest kundi ang pangmatagalang solusyon sa baha na nagdudulot ng matinding panganib sa maraming tao. Ang problema anya sa baha ay hindi lamang isyu ng survival sa kanya-kanyang nasasakupan ng LGUs kundi ng malaking bahagi ng bansa. Dagdag pa ni Quimbo, maituturing din umanong "landmine issue" ang patuloy na pagdami ng mga informal settlers na mabigat ang epekto kung hindi pa rin malalapatan ng solusyon ng gobyerno. — LBG, GMA News