2 Pinoy, nakipag-indakan kay Nelly Furtado sa concert; nagregalo ng puto, pinasalamatan ng foreign singer
Dalawang Pinoy ang masuwerteng nabigyan ng pagkakataon na makasayaw sa stage ang Grammy award winning singer na si Nelly Furtado sa concert nito sa Smart Araneta Coliseum nitong Huwebes ng gabi. Hindi na nagdalawang-isip sina CJ Chavez at Hannah Sumulong nang tawagin sila ng sikat na mang-aawit upang makipagsayawan sa kanya sa establado. Sa panayam ng GMA News Online kay Hannah, sinabi nito na nasa elementary pa lang siya ay humahanga na siya sa dayuhang singer. "Excited, tapos sobrang kinakabahan [ako] kasi first time. Sobrang saya parang hindi ako makakatulog nito kasi sobrang unforgettable," kuwento ni Hannah na unang beses pa lang nanood ng concert sa Big Dome. Kaya naman labis-labis ang pasasalamat ni Hannah sa kaibigan niya na nagbigay ng libreng ticket para mapanood ang idolo. Samantala, aminado naman CJ na hindi siya gaanong fan ni Nelly sa simula pero sobra siyang nag-enjoy sa pagtatanghal nito. Hindi nga pinalampas ni CJ ang pagkakataon na mayakap si Nelly bago siya bumaba ng entablado. Kasabay nito, nagpasalamat naman si Nelly sa isa niyang fan na nagngangalang Nelson dahil sa ibinigay sa kanya na puto. Nauna nang naibalita ang pag-amin ng dayuhang singer na mahilig siya sa mga pagkaing Pinoy tulad ng puto, lumpia, at pansit. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News