State funeral para kay Robredo, inihahanda na
Tinanggap na ng pamilya ng yumaong Interior and Local Government Secretary na si Jesse Robredo ang alok ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III para sa isang state funeral. Sa isang press briefing nitong Miyerkules, sinabi ni Undersecretary Manuel Quezon III ng Presidential Communications Development and Strategic Planning, na ito ay umaayon sa detalyeng mula sa ikalawang bulletin na nilabas ng Committee on Funeral Arrangements and Burial. “Ang state funeral is the highest possible kind of a funeral that a republic can give," ayon sa opisyal. Hindi pa naman natatalakay kung saan sa Malacañang ilalagay ang mga labi ni Robredo at kung magkaroon din ng public viewing para dito. Tatalakayin umano ang detalye nito sa susunod na bulletin ng Committee on Funeral Arrangements and Burial. Gayunman, hindi na dadalhin sa opisina ng DILG sa Quezon City ang mga labi ng kalihim. "The wishes of the family were that we should keep the transporting of the remains to a minimum. And also, in consultation with the DILG itself, it was felt that this would be a better venue considering they have also limited space in their own building," paliwanag ni Quezon. Ayon kay Quezon, nagkakaroon lamang ng kaunting pagkakaiba sa mga state funeral batay sa ranggo ng pumanaw. “But the essential elements are the same in all state funerals. It is the highest kind of funeral that the government can give. It is the kind that is given to heroes, for example," ani Quezon. State funeral Mayroong dalawang paraan upang mabigyan ng state funeral. Una, nakasaad sa batas ang pagbibigyan ng pagkilala sa ilang mamamayan katulad ng Pangulo, Vice President, Speaker of the House, Senate President, National Artist, at Medal of Valor awardee. Ikalawa, ayon kay Quezon, maaaring pumili ang Pangulo kung sino ang sa tingin niya ay nararapat na mabigyan ng state funeral. Ayon sa opisyal, may nakabantay na honor guard sa Archbishop's Palace sa Naga City, kung saan nananatili sa ngayon ang mga labi ni Robredo hanggang Biyernes, Agosto 24. Sa Biyernes ng umaga, nakatakdang dalhin ang mga labi ng kalihim sa Malacañang. Mabibigyan siya ng departure at arrival honors mula Naga City patungong Maynila mula sa iba't ibang ahensya tulad ng Armed Forces of the Philippines, Presidential Security Group, at ng Philippine National Police. Mananatili ang mga labi ni Robredo sa Manila mula Biyernes hanggang Linggo ng umaga, at pagkatapos ay ibabalik sa Naga. Parangal Patuloy ni Quezon, ang mga prebilehiyo na maibibigay kay Robredo sa kanyang state funeral ay: escort battalion, funeral cortege o prosesyon, arrival honors sa libingan, gun salute, tatlong-volley salute, playing of taps, at paglalagay ng watawat ng bansa sa kabaong ni Robredo na gagawin ng kanyang maybahay. Pumanaw si Robredo at dalawang piloto ng eroplano matapos bumagsak ang sinasakyan niyang Piper Seneca plane malapit sa Masbate noong Sabado. Patungo na sana sa Naga ang eroplano mula sa Cebu nang maganap ang trahedya. Nagtungo ang kalihim sa Cebu para magsilbing kinatawan ni Pangulong Benigno Aquino III sa isang pagtitipon. Tanging ang aide ni Robredo na si Senior Inspector Jun Abrasado, ang nakaligtas sa trahedya. 'One of a kind' Samantala, inihayag naman ni Presidential spokesperson Edwin Lacierda na mahihirapang maghanap ng kapalit kay Robredo. “Well, Secretary Robredo is one of a kind. He is a Magsaysay awardee. He has proven his competence in local governance and he has shown himself as capable also of speaking and engaging politicians in the entire political spectrum," pahayag ni Lacierda sa isang briefing. Hinirang ni Aquino si Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr. nitong Martes bilang officer-in-charge ng DILG. Ang DILG ang namumuno sa local government units (LGUs), Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at ang Bureau of Jail Management and Penology. Nagpalabas naman ng Proclamation No. 260 si Aquino na pagpapatupad ng National Days of Mourning para kay Robredo hanggang sa kanyang libing nito sa Martes, Agosto 28. [F]or a period of six (6) days, the national flag shall be flown at half-mast from sunrise to sunset in all government buildings and installations in the Philippines and in our posts abroad," ayon sa proklamasyon. -- Amanda Fernandez/FRJ, GMA News