NBI, naniniwalang dinukot talaga si Rolito Go
Iginiit ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Miyerkules na dinukot talaga si Rolito Go sa New Bilibid Prison (NBP), batay sa nakalap nilang mga ebidensya. Ang pahayag ay ginawa ng ahensiya sa kabila ng pag-akusa ng isa pang bilanggo na binayaran ni Go ang ilang tao upang makalabas sa bilangguan. "We are not discounting the possibility na later on may lalabas evidence na kasabwat pala siya. But right now of course NBI goes by the evidence. We have to go by evidence, not speculations, not rumors," paliwanag ni NBI director Nonnatus Caesar Rojas nang humarap sa pagdinig ng Senado tungkol sa hinihinging budget ng Department of Justice (DOJ) sa 2013. Ang NBI ay nakapailalim sa DOJ. "Until such time that evidence will come out showing that kasama pala siya or nag-participate siya sa kanyang sariling abduction we will have to go by the initial findings namin [that] indeed there is a semblance of abduction," dagdag ni Rojas. Una rito, sinabi ng isa pang bilanggo sa NBP na si Rommel Laciste, na binayaran umano ni Go ang mga tauhan sa bilibid ng P2 milyon upang payagan siyang makalabas ng compound. Pero ayon sa opisyal ng NBI, mayroong "credibility problem" si Laciste. "He has been saying this and that. Napakaraming version ang sinasabi niya. So while we are going to look into this kasi nandun pa siya sa Region II; di pa siya dinadala sa [Bureau of Corrections]. Pagdating niya sa BuCor our people our NBI investigators will talk to him," ayon kay Rojas. Nakatakas sa bilangguan si Laciste nitong Agosto at nahuli lamang muli nitong Linggo sa Isabela. Ayon kay Rojas, na-validate na nila ang kwento ni Go. "When he was released by his kidnappers he was immediately investigated by our NBI investigators and then the very next day our people walked through and validated the allegations...nava-validate naman na mukhang nagsasabi ng totoo or there is a semblance of truth to the allegations of Rolito Go," pahayag ng pinuno ng NBI. Sa kabila nito, nagpahayag naman ng pagdududa si Senador Loren Legarda sa kuwento ni Go na tinawag niyang “palusot." "That's freedom, that's a caper. That's not an abduction...clearly it's just a palusot," aniya. Pagtiyak ni Rojas, aalamin nila ang katotohanan sa naturang insidente sa paglabas ni Go sa NBP. "Our investigators are deeply working on it to find our really ano ba talaga ito, ano ang reason wha's the motive and who the persons behind it," aniya. Gayunman, inihayag ni Rojas na nakatanggap sila ng ilang ulat na binibiktima ng mga kidnap for ransom groups ang mga kamag-anak ng ilang mga kilalang bilanggo. Bilang ng takas Inihayag naman ni Bureau of Corrections administrative section chief Teodoro Diaz, na sa nakalipas na limang taon, umaabot sa 300 bilanggong nakatakas sa mga kulungan. Sa naturang bilang ng mga nakatakas, 224 ang muling nadakip. Dagdag pa niya, umaabot sa 60 hanggang 70 bilanggo ang nakakatakas sa kulungan bawat taon. Nitong Enero hanggang nitong Hunyo 2012, umabot sa 41 bilanggo ang nakakatakas sa mga bilangguan. -- Mandy Fernandez/FRj, GMA News