Pep.ph
GMA News Online
Showbiz

Paolo Contis: 'I never consider anyone as my kalaban. I know I can stand up for myself'

September 8, 2012 1:30pm


May ilang buwan ding napahinga si Paolo Contis sa paggawa ng teleserye pagkatapos ng My Beloved.

Ngunit simula sa Lunes, September 7, ay muli siyang mapapanood sa bagong telefantasya ng Kapuso network na Aso Ni San Roque ng GMA-7.

Inilarawan ni Paolo sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang kanyang role dito bilang si Sento.

“Actually, pilantod ako rito. Para akong si Professor X [ng X-Men]. Pero kaya ako pilay, hindi ko ipinapakita ang paa ko.

“Ang paa ko kasi, kabayo. Ako ang tikbalang, aswang ng lupa.

“Pero ang makikita nila sa akin, human, tao ako... successful businessman.

“Pero sa gabi, nambibiktima ako ng mga virgin.

“Hindi ko nga alam kung bakit ako napili, hindi naman ako ganoon!" biro ni Paolo tungkol sa kanyang role.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Paolo sa presscon ng Aso ni San Roque sa GMA-7 noong Lunes, September 3.

PREPARING FOR THE ROLE. Okay ba sa kanya ang bago niyang role?

Sagot ni Paolo, “Okay naman. Actually, nahirapan ako kasi kailangan kong mag-prepare.

“For the longest time, nagpahinga ako sa pagpapaganda ng katawan. Pero ngayon, diet, diet.

“Balik akong talaga… diet… buhat.

"Noong August sinabi yung show, nagsimula na akong mag-diet.

“I lost mga fifteen pounds already and I need to lose mga ten pounds pa siguro."

Dagdag ng aktor, “Physically, it’s more challenging. Mahirap din naman ang costume ko na pang-kabayo.

“At ako, nagustuhan ko ang role dahil, at the same time, mapapanood ng mga anak ko.
May dalawang anak na babae si Paolo sa dating SexBomb dancer na si Lian Paz—sina Xonia at Xalene.

“E, di ba, maingat na rin ako sa ganoon?" sabi ng dating child actor.

“Ayoko na masyado ng mga patayan.

"So, here’s something that my children could watch, like si Mona Louise."

Ang child actress na si Mona Louise Rey ang bida sa Aso Ni San Roque.

Kuwento pa ni Paolo, “E, minsan, noong pictorial, nag-tikbalang ako. Umuwi ako, hindi ako naghugas.

"Naloka si Xonia, natakot sa akin!

“Pero mga after ten minutes, nakilala naman niya ko.

"Si Xonia naiyak, pero si Xalene, tawa nang tawa."

REGULAR SHOWS. Wala raw naging problema si Paolo kahit may tatlong buwan siyang nabakante sa paggawa ng teleserye.

Naging abala naman siya sa dalawang shows ng GMA-7: ang Manny Many Prizes at Bubble Gang.

“Ako rin naman yung tipong after ng isang show, ayokong magsimula agad.

“Tapos, after ng My Beloved, naging busy ako.

"Gusto kong mag-spend time sa kids... nag-spend time ako."

Noong nabakante si Paolo, ang misis niyang si Lian Paz naman ang naging busy sa pagbabalik-teleserye.

Regular na lumalabas si Lian sa primetime series ng TV5 na Enchanted Garden.

Sabi ni Paolo, “Oo, okay lang naman. Gusto niya yun… kailangan niya yun.

“Yung work niya sa corporate, nagagawa naman niya kahit nasa taping, may laptop, so okay naman."

NOT AFFECTED. Hindi ba nagsa-suffer ang married life nila kapag pareho silang busy?

Sabi ni Paolo, “Mas okay yun. Mas tama rin na may ginagawa siya, may work.

“Tapos ako, nag-enjoy rin ako na for the longest time, wala akong work, kasi yung mga anak ko, naging close ko talaga.

“So, ngayon, tamad na nga rin ako!"

Napagkakatiwala naman daw nilang iwan ang dalawang anak kapag sabay silang wala.

Pero minsan, isinasama rin ni Paolo ang mga anak sa trabaho.

“Kapag Manny Many Prizes, kasama ko ang mga bata.

"Dito naman sa Aso Ni San Roque, hindi pa ako nakakapagsimula ng taping.

“So, iinspeksyunin ko muna ang mga location at kapag okay, hindi malayo, dadalhin ko ang mga bata."

BEING A KAPUSO. Hanggang sa isang taon pa ang kontrata ni Paolo sa Kapuso network. Ano ang plano niya kapag nag-expire ang kontrata niya?

Saad niya, “Alam niyo ako, I love the staff here in GMA. Lalo na ngayon, yung mga staff ko, okay ‘yan.

“Ako naman kasi, never naman akong professional sa mga bagay-bagay, which I don’t think is actually right for my line of work.

“I should be personally happy.

"Depende kahit anong role ‘yan, basta personal, masaya ako sa grupo ko, doon ako.

“May pros and cons ‘yan."

Masaya ba siya sa mga natatanggap niyang roles?

“Oo naman," mabilis niyang sagot.

“Alam nyo kasi, you cannot expect a lot, ‘ika nga, challenge or new roles when you do TV, especially soap.

“Normally, sa scope ng work, sa dami ng gagawin, sa dami ng kailangang ayusin, medyo iisa na lang.

“Nasa sa iyo na lang.

"Like sa kabayong role ko, nag-mohawk [hairstyle] na ako.

“It depends kung paano mo ire-reinvent ang sarili mo. Nasa sa iyo na yun.

"Hindi lang naman sa atin ‘yan, sa lahat naman. More or less, pare-pareho, nagawa mo na.

"E, kailangan natin ng TV, especially ako, may mga anak ako."

NETWORK TRANSFER. Si Rafael Rosell ang isa sa mga bagong lipat na Kapuso mula sa bakuran ng ABS-CBN, kung saan din nagsimula si Paolo.

Ano ang reaksiyon ni Paolo dito?

“The more, the merrier!" bulalas niya.

“Ako naman, I never consider anyone as my kalaban. I know I can stand up for myself.

“Nakapagtanim na rin naman ako more than the acting.

“Nakapagtanim na rin naman ako nang maayos na pakikisama sa mga tao na gugustuhin din nila akong makatrabaho ulit.

“So, pagdating sa mawalan ng trabaho, hindi ako nag-aalala." -- Rose Garcia, PEP