Pep.ph
GMA News Online
Showbiz

Israeli actress beats Nora Aunor for Best Actress at Venice film fest

September 9, 2012 5:43pm
Hindi pinalad na manalo ang lone Philippine entry na Thy Womb sa 69th Venice International Film Festival.

Isa sa 18 na pelikulang kalahok sa Main Competition ang Thy Womb, na idinirek ni Brillante Mendoza at pinagbibidahan ni Nora Aunor.

Ginanap ang awarding ceremony ng 69th Venice International Film Festival kaninang madaling-araw, September 9 sa Pilipinas (September 8 ng gabi sa Venice).

Ang entry ng South Korea na Pieta, na idinirek ni Kim Ki-duk, ang nagwagi ng pinakamataas na karangalan—ang Golden Lion Award o Best Picture.

Ang Silver Lion Award for directing ay iginawad sa American director na si Paul Thomas Anderson para sa The Master ng USA.

Nag-tie naman for Best Actor ang mga bida ng The Master na sina Joaquin Phoenix at Philip Seymour Hoffman.

Ang The Master, na tungkol sa relasyon sa pagitan ng lider ng isang religious movement at ng kaniyang disipulo, ang biggest winner ngayong taon dahil sa napanalunan nitong dalawang awards.

Ayon sa bagong rule ng Venice International Film Festival, hanggang dalawang awards lang ang maaaring mapanalunan ng isang entry.

May usap-usapan na nais din sana ng jury, sa pamumuno ng Hollywood director na si Michael Mann, na ibigay ang Golden Lion award sa The Master. Ngunit dahil sa bagong rule na ito ng festival ay hindi nila ito nagawa.

Ganun pa man, nagwagi ng isang special award ang The Master—ang FIPRESCI critics award for Best Film in Competition.

Ang Israeli actress na si Hadas Yaron ang nanalong Best Actress para sa kanyang pagganap sa Fill The Void ng Israel.

Binigyan naman ng Special Jury Prize ang Paradise: Faith, ang kontobersiyal na pelikula ng Austrian director na si Ulrich Seidl.

Ang nanalo ng Best Screenplay ay ang autobiographical drama na Something In The Air ni Olivier Assaya ng Belgium.

Ang Mastroianni Award for Best Young Actor ay iginawad sa Italian actor na si Fabrizio Falco para sa mga pelikulang It Was The Son at Dormant Beauty.

Ang Orizzonti jury prize ay iginawad sa Tango Libre ni Frederic Fonteyne ng Belgium.

Bagamat hindi nanalo ang Thy Womb sa mismong awards night ng Venice International Film Festival, dalawang special prizes ang napanalunan nito sa labas ng kumpetisyon.

Ang bida ng pelikula na si Nora Aunor ay ginawaran ng Bisato d'Oro award ng isang grupo ng film critics sa Italy.

Ang direktor namang si Brillante Mendoza ay nagkamit ng La Navicella Venezia Cinema Award na mula sa Rivista del Cinematografo.

Pagkatapos ng Venice International Film Festival ay sunod namang mapapanood ang Thy Womb sa Toronto International Film Festival (TIFF).

Bukod sa Thy Womb, kasama rin sa Contemporary World Cinema program ng TIFF ang isa pang Filipino film—ang Bwakaw ni Jun Lana na pinagbibidahan ni Eddie Garcia. Pep.ph
Go to comments



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus
advertisement
advertisement
advertisement