GMA News Online
Pinoy Abroad
»
Kwentong Kapuso

Kwentong Kapuso: Liwanag ng Pilipinas

September 13, 2012 12:30pm
Maswerte nga bang maituturing, sa ibang bansa’y makipagsapalaran?
Malaki nga ang kikitain, subalit kapalit nama’y kalungkutan
Mga mahal mo sa buhay, sapilitan mong iiwanan
Mamanhidin ang puso, upang sakit ‘di mamalayan
 
Magpuyat, malipasan ng gutom, ay ‘di alintana
Magbabad sa init at alikabok, ay tila nakasanayan na
Pagod na sa paglalakad, ay sige pa rin ang arangkada
Tagaktak na ang pawis, pati damit ay lapot na
 
Pagod man ang katawan, sa maghapong pagta-trabaho
Pag dating sa inuupaha’y, maglalalaba pa’t magluluto
Lilinisin ang sahig, kikiskisin ang inyodoro
Mga gawaing para kay Yaya, sa kinamulatan kong mundo
 
Minsan sa pag tulog, sa kapagura’y humaharok
Nakakahiya mang aminin, sa kabilang kwarto’y umaabot
Sana’y pagpasensyahan na lang, ng mga kasamahang natutulog
Pagkat ako man minsan di’y, harok nila ang pampatulog
 
Kapagurang nadarama’y, agad din namang napapawi
Pagdating ng katapusan, ako din nama’y ngumingisi
Sweldong inaasam, sa mga palad lang ay darampi
Pagkat ilang segundo lang, naipadala na sa mga kalahi
 
Pakiramda’y gumagaan, kapag sweldo’y naipadala na
Pagtulong sa kapamilya, hatid sa aki’y ligaya
Puso ko’y nagagalak, sa tuwing matatanggap nila
Mumunting kong handog, isang malaking pagpapala
 
Subalit nandiriyan pa rin, mga sandaling namimighati
Pusong manhid ay nagkakamalay, nararamdaman ang sakit
Nagbibingi-bingihan na ang taynga, patuloy ko pa ring naririnig
Pangungulila ng puso ko’y isinasambulat ng kanyang pintig
 
Hanggang kalian magtitiis, malulumbay, malulungkot?
Hanggang kalian luluha, mananangis, mababagot?
Ito ang buhay kong pinili, mangibang bansa’t pumalaot
Kaya’t dapat ko lamang tatagan, ang damdaming nanghihilakbot
 
Konting tulog na lang, ako’y makakauwi din
Sa kinamulatang bansa, doo’y mahihimbing
Hindi pa man sa ngayon, batid kong araw din ay darating
Makakapiling kong muli, silang mga mahal sa akin
 
Panginoon ko’t Diyos ko, dalangin ko’y Iyong dinggin
Pagkalooban Mo po ng lakas, mga katulad kong naninimdim
Dito sa ibayong dagat, ilayo Mo po kami sa dilim
Upang Liwanag ng Pilipinas, ay muli naming makapiling.
- Gilson Aceveda



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus