Lian Paz, inaming may problema sa pagsasama nila ni Paolo Contis
Inamin ng dating EB Babe dancer na si Lian Paz na mayroon problema sa pagsasama nila ni Paolo Contis. Bagaman nagsasama pa raw sila sa ngayon sa isang bahay, nagdesisyon na raw ang aktor na maghiway na silang mag-asawa. Sa artikulong isinulat ni Rose Garcia sa Philippine Entertainment Portal (PEP) na lumabas nitong Huwebes, sinabi ni Lian na gusto raw ni Paolo na siya ang aalis at maiiwan sila ng kanilang dalawang anak sa kanilang bahay. Hindi pa raw malinaw ang lahat para kay Lian dahil noong Setyembre 11 lamang nagdesisyon si Paolo na maghiwalay na sila. Sa Huwebes, Sept. 13, ay aalis patungong USA si Paolo para sa show ng Manny Many Prizes. Sa pagbabalik nito sa bansa matapos ang show sa US, posibleng pag-usapan na nila ni Paolo ang pangangalaga sa kanilang mga anak na sina Xonia Aitania at Xalene Abriana. Kamakailan lang ay inamin ni Paolo na kasal na sila sa huwes ni Lian kaya marami ang nagulat sa balitang nagkakalabuan na ang mag-asawa. Paglilinaw ni Lian, walang third party na sangkot sa kanilang paghihiwalay sa kabila ng mga ulat na nambababae ang aktor. Depensa pa niya, naging mabuting ama si Paolo sa kanilang mga anak. Naniniwala si Lian na ang pagbabago sa kanilang buhay bilang mag-asawa at ang paglaki ng pamilya ang posibleng dahilan kung bakit nagkaroon ng problema ang kanilang pagsasama. “In love naman po kaya rin we have decided… ako, nirerespeto ko ang desisyon niya for now," paliwanag ni Lian sa ulat. Patuloy pa niya, “Baka maybe, yun din ang dahilan para mas makabuti o baka naman yun ang healthy for him, baka may pinagdadaanan siya. “So, sa akin, I’m not closing my door at ganoon din naman po siya, hindi niya isinasara." Ano ba ang dahilan kaya nagdesisyon si Paolo na maghiwalay na sila? “Siguro po nanibago siya, 360 degrees naman po talaga ang changes. “It’s really different when you pay a lot of bills. Dalawa’ng anak niyo. “Siguro akala namin prepared na prepared na kami. Tapos nagsunod pa yung dalawa naming baby. “It’s a blessing from God, pero siguro lahat ng married couple na nagkakaanak, dumadaan talaga sa mga ganyang pagsubok. “Kaya yun, nirerespeto ko po yung desisyon niya, pero nandito lang ako para sa kanya." Kung si Lian ang tatanungin, nais daw niyang manatiling buo ang kanyang pamilya tulad ng kanyang kinalakihan sa kanyang mga magulang. - FRJ, GMA News