GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

7 sugatan sa banggaan ng mini-cab at motorsiklo sa Bataan

September 14, 2012 10:03pm

Tags: Bataan
Pito katao ang sugatan, tatlo sa kanila ang malubhang nasaktan nang magbanggaan ang isang mini-cab at motorsiklo sa panulukan ng Roman Superhighway sa Balanga City, Bataan nitong Biyernes ng hapon.

Nawalan ng malay matapos tumilapon sa kanilang sinasakyan na motorsiklo ang dalawang estudyante dahil sa lakas ng pagbangga sa mini-cab.

Dumaraing naman sa sakit ng ulo at sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang driver at tatlong pasahero ng mini-cab.

Mabilis na sumaklolo ang rescue workers ng Balanga City sa naganap na aksidente. Matapos malapatan ng pang-unang lunas ang mga biktima, kaagad silang isinugod sa kalapit na Bataan General Hospital.

Ayon kay Joseph Oria, residente ng Capitol Hills, papunta sa gawing Maynila ang mini-cab samantalang palabas naman ng intersection at pasalubong ang motorsiklo dakong 2:00 p.m.

“Huminto ang sinusundang mini-bus ng mini-cab at hindi siguro nakita ng driver ng mini-cab na patawid ang motorsiklo kaya nagkabanggaan sila," ayon kay Oria.

Kinilala ng mga rescue worker ang dalawang magkaangkas sa motorsiklo na sina Melvin John Padero ng Limay at Jestoni Butlig, 15-anyos, ng Batangas Dos, Mariveles, Bataan.

Ang dalawa ay estudyante ng Bataan Heroes College sa Balanga City.

Ang mga nasugatan naman na sakay ng mini-cab ay ang driver nitong si Ricky Apostol, 21, ng General Lim, Orion, Bataan; at mga kasamahan niyang sina Jose Lopez, 26, ng San jose, Balanga City; Joel Inton, 19, ng Tuyo, Balanga City; Ricky Boniel, 24, ng Central, Balanga City at Emil Magdaje, 20, ng Tuyo.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring banggaan. -- Ernie Esconde/FRJ, GMA News
Go to comments

Tags: Bataan