Casiño: House bill vs political dynasty walang tumututol, pero 'di gumagalaw
Hindi gumagalaw sa Kamara ang panukalang-batas laban sa political dynasty kahit wala namang tumututol nito sa mga miyembro ng komite sa dalawang beses na pagdinig nito. Ito ang sinabi ni Bayan Muna partylist Representative Teddy Casiño, isa sa dalawang mga principal authors ng anti dynasty bill, sa panayam sa dzBB nitong Linggo. Ang isa pang principal author ng nasabing panukalang-batas ay si Representative Neri Colmenares na kasama ni Casiño sa party-list group na Bayan Muna. Sinabi ni Casino na nasa siyam na rin na mga kongresista ang pumirma bilang mga co-authors ng anti-dynasty bill, pero hindi pa rin ito makausad-usad sa Kamara. "Actually, naka-dalawang hearing na 'yan. Lahat ng kasama ko sa komite ay supportive. Pero ang problema, hindi na gumagalaw," ayon kay Casiño. Ang nasabing panukala ay nasa political reforms committee na pinangungunahan ni Cavite Representative Elpidio Barzaga Jr. Ayon kay Casiño, ang panukalang-batas ay inakda umano nila upang mag-define sa anti-political dynasty law na nakasaad sa Saligang Batas. "Nasa Konstitusyon 'yan na bawal ang political dynasty. Gumagawa lang tayo ng batas to define what political dynasty is," ayon sa miltanteng kongresista. Sinabi din ni Casiño na hindi na siya umaasa na ma-aprubahan ang kanyang panukalang batas kung iaasa na lamang sa Kongreso ang magiging kapalaran ng anti-political dynasty bill. "Pugad ng mga dynasty [people] ang kongreso," ayon pa sa kongresista. "The change will come from outside Congress. May pag-asa pa rin tayo. Manggagaling 'yan sa ating mamamayan mismo," sabi niya. Ang anit-dynasty bill ay naglalayon na ipagbawal ang monopoliyo ng pulitikal na kapangyarihan sa iisa o iilang miyembro ng mga naghaharing pamilya, katulad ng pagbawal na tumakbo ng sinuman na "4th degree of consaguinity" na kamag-anak ng incumbent na opisyal sa isang putilikal na yunit. — LBG, GMA News