GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Kalayaan sa pagpapahayag, ‘di raw sasagasaan ng anti-cybercrime law

September 22, 2012 3:47pm
Tiniyak ni Senator Edgardo Angara na hindi sasagasaan ng bagong batas na Anti-Cybercrime Act ang kalayaan sa pagpapahayag na dapat protektahan sa ilalim ng Saligang Batas.

Ang pahayag ay ginawa ng senador upang pawiin ang pangamba ng ilang media organizations na maaaring magamit ang bagong batas para sikilin ang press freedom.

Pakiusap ni Angara, pangunahing may-akda ng panukala, dapat bigyan ng pagkakataon ang naturang batas na maipatupad upang matukoy kung mayroon man itong kahinaan.

“We have to give the law a chance and see how it will be implemented. Only then will the loopholes and the gaps be identified and properly addressed. But as it is, I believe this law is a milestone for ICT (information communication technology) in the country," ayon sa senador.

Una rito, nagbanta ang ilang media organization na kukuwestiyunin sa korte ang legalidad ng naturang batas dahil sa umano’y makakahadlang ito sa kalayaan ng pamamahayag.

Bukod dito, pinuna rin ang probisyon na nagpapataw ng parusa sa mga kakasuhan ng libelo sa ilalim ng cybercrime law na mas mabigat kumpara sa kasong libelo dahil sa nalathala sa pahayagan.

Pero ayon kay Angara, nakasaad sa batas ang ilang legal framework upang pangalagaan ang kalayaan ng mamamayan katulad ng freedom of expression at magbigyan din ng proteksiyon ang mga internet user laban sa pang-aabuso.

Sa ngayon, umaabot umano sa mahigit 30 milyong Filipino ang gumagamit ng Internet at patuloy pang dumadami dulot ng social media site tulad ng Facebook at Twitter.

“The Internet has become so pervasive that it is already an essential component of many people’s lives. But as the technology evolved, so has the opportunity expanded for real harm to be done," ayon kay Angara.

“Minus the law, our cyberspace will remain a wild frontier where no due process is afforded to victims of legitimate Internet-related crimes. With it in place, we actually extend the protections provided in our Constitution to the digital realm," dagdag niya.

Sinabi pa ni Angara na anuman ang pagkukulang ng batas ay maaaring linawin sa itatakdang Implementing Rules and Regulations (IRR) na lilikhain alinsunod sa batas ng Department of Justice (DOJ), Department of Interior and Local Government (DILG) at Information and Communications Technology Office a ilalim ng Department of Science and Technology (ICTO-DOST). -- RE/FRJ, GMA News
Go to comments



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus