Heart Evangelista, may papel kaya sa kampanya ni Sen. Chiz?
Dahil sa pagiging malapit sa isa’t isa, hindi nakaiwas si Senador Francis “Chiz" Escudero na matanong kung isasama ba niya sa kampanya sa 2013 elections ang Kapuso star na si Heart Evangelista. Pero ayon sa senador, hindi pa niya alam kung ano ang magiging papel ni Heart sa kanyang kampanya dahil hindi pa naman nila ito napag-uusapan. Bukod dito, malayo pa naman daw ang halalan. "Hindi pa namin pinag-uusapan yung sa campaign team at lalong hindi sa personal na lebel," pahayag niya. Dagdag ni Escudero, hindi siya sigurado kung magandang idea kung isasama sa kampanya ang aktres. "I don't know, ugali ko kasi hindi ko hinahalo as much as possible ang personal kong buhay sa trabaho at pulitika," paliwanag ni Escudero. "Siguro pagdating ng tamang panahon, doon pa lang namin pagpapasyahan ‘yan, ‘di namin pinag-uusapan 'yan sa campaign team," dagdag ng mambabatas. Napaulat na madalas na makitang lumalabas ang dalawa. Bagaman hindi naman nila ito itinanggi, hindi naman nila masabi kung 'dating' na matatawag ang kanilang paglabas. Zero ang love life ngayon ni Heart nang matapos ang relasyon nila ng Brazilian model-actor na si Daniel Matsunaga. Samantala, hiwalay naman sa asawa si Escudero. - FRJ, GMA News Bagaman tatakbong independent candidate, inaasahan na magiging kandidato si Escudero ng Liberal Party (LP) at United Nationalists Alliance (UNA). "Ang importante pumasok sa top 12 dahil ang suweldo at term ng senador (number) one man o 12 pare-pareho lang, pagalingan na lang siguro pagdating dito sa loob ng Senado," ayon kay Escudero.