Freedom of Information (FOI) bill, namimiligrong mamatay pagsapit ng Disyembre
Aminado ang pangunahing may-akda ng kontrobersiyal na Freedom of Information (FOI) bill, na hanggang sa Disyembre na lamang ang pag-asa niyang maipapasa ang naturang panukalang batas na pinaniniwalaang makatutulong para magkaroon ng transparency sa gobyerno. “’Pag hindi papasa on third reading ang FOI before Christmas break in both chambers Senate and the House (of Representatives), wala na. Kasi kung pumasa ‘yan sa isang chamber, wala pa rin. Dapat pareho, both chambers," paliwanag sa media ni Quezon Rep. Lorenzo Tañada III nitong Martes. Sa legislative calendar ng Kamara, nakatakdang magbakasyon ang Kongreso para sa paggunita ng Undas simula Oktubre 20 hanggang Nobyembre 4, 2012. Magpapatuloy ang sesyon ng Kongreso sa Nob. 5 hanggang Disyembre 21, 2012. Kasunod nito ay magbabakasyon muli ang mga mambabatas para sa Christmas break na magsisimula sa Dec. 22 na tatagal hanggang January 20, 2013. Ngunit sa pagbabalik ng sesyon sa Enero 21, 2013, tatagal lamang ito ng tatlong linggo para muling magbakasyon simula February 9 hanggang June 2, 2013, dahil na rin sa idaraos na halalan sa Mayo 2013. Sa kabila ng lumiliit na panahon, umaasa pa rin si Tañada na maipapasa ng Kongreso ang panukalang batas kahit matamlay umano ang suporta ng Malacañang sa naturang panukalang batas na makatutulong sa publiko na masilip ang mga kontratang pinapasok ng gobyerno. “Hindi ko sinasabi na hindi papasa pero ako I’m still hopeful that FOI will pass before we go on Christmas break. Iyun ang sariling deadline ko," anang kongresista. Ayon kay Tañada, mayroon ng 117 kongresista ang pumirma na sumusuporta sa pagpasa ng panukalang batas. Kasama umano sa pumirma si Aurora Rep. Juan Edgardo Angara na kasama sa senatorial line-up ng administrasyon. “The grassroots clamor led by the 'Right to Know' coalition is picking up. Lawmakers are genuinely committed to see this through and there are others who would have signed the manifesto but just didn’t make it to printer," pahayag ng kongresista. Nauna nang ipinaliwanag ni Tañada na hindi dahilan nang hindi niya pagkakasama sa senatorial slate ng administrasyon ang pagpipilit niyang maisabatas ang FOI bill. Sa nakaraang panayam sa mga opisyal sa Palasyo, ipinaliwanag nila na nais nilang mapag-aralan na mabuti ang panukalang batas dahil sa posibleng butas na maaaring magdulot ng national security risk. Nasa kamay ni Evardone Samantala, hindi na naman matatalakay sa House committee on information na pinamumunuan ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone, ang FOI bill na nakatakda sanang dinggin sa susunod na linggo. Ayon kay Evardone, wala silang makitang kuwarto na maaaring pagdausan ng pagdinig. “Wala ngang room. Pinahanap ko na yung committee secretary pero puno na raw lahat. Wala na raw slot," paliwanag ng mambabatas sa panayam sa telepono. Gayunpaman, sinabi ni Evardone na muli siyang magtatakda ng pagdinig sa panukala sa Nov.13. -- RP/FRJ, GMA News