Obispo may babala kapag ginawang legal ang prostitusyon
Nagpahayag ng matinding pagtutol ang isang lider ng Simbahang Katolika kaugnay sa mungkahi ng United Nation na i-decriminalize ang prostitusyon para mapigil ang pagkalat ng mga nakahahawang sakit tulad ng human immunodeficiency syndrome o HIV. Babala ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chair ng Catholic Bishops Conference of the Philippines National Secretariat for Social Action Justice and Peace, lalong lalala ang “promiscuity" o pakikipagtalik ng mga tao sa ‘di nila asawa kapag nasunod ang mungkahi ng UN. Paggiit pa niya, hindi rin katiyakan na mababawasan ang mga taong magkakaroon ng nakahahawang sakit kapag na-decriminalized o ginawang legal ang prostitusyon. “Hindi tama ang kanilang premise na kapag ma-legalize ang prostitusyon ay maiiwasan ang sakit na HIV-AIDS. Kahit sa ibang bansa na ligal ito ay laganap pa rin ang HIV-AIDS at mas malala pa yung promiscuity," paliwanag ni Pabillo sa panayam ng Radyo Veritas. Una rito, inirekomenda ng UN sa mga bansa sa Asia at sa Pacific region, kabilang ang Pilipinas, na makabubuting i-decriminalize na ang prostitusyon para maprotektahan ang mga sex worker. Nakasaad sa UN Report, na ang pag-decriminalize sa prostitusyon--na itinuturing pinakamatagal nang "propesyon" sa mundo--ay makatutulong para mapigilan ang pagkalat ng mga sexually transmitted diseases lalo na ang nakamamatay na human immunodeficiency virus o HIV. “Removing legal penalties for sex work assists HIV prevention and treatment programmes to reach sex workers and their clients," nakasaad sa report ng UN na may titulong “Sex Work and the Law in Asia and the Pacific." Pero ayon sa obispo, dapat bigyan din ng konsiderasyon ang magiging pagbabago ng ugali patungkol sa sex at epekto sa pamilya ng legalisasyon ng prostitusyon. “Mas malala pa yung promiscuity. Kasi ang problema ng mga pananaw lalo na ng UN ay hindi nakikita yung values. Yung behavior ng mga tao at sa ating paninindigan sa Simbahan," paliwanag ng obispo patungkol sa magiging pagbabago ng pananaw ng tao sa sex. Nangangamba si Pabillo na mawawala ang pagiging banal at sagrado ng human sexuality kapag legal na ang prostitusyon at maraming pamilya umano ang masisira. Sa halip na i-decriminalize ang prostitusyon, mas makabubuting bigyan umano ang ibang marangal na hanapbuhay ang mga babaeng nasasadlak sa naturang iligal na trabaho na itinuturing pinakamatandang propesyon sa mundo. - MP/FRJ, GMA News