Pulis: Modelong si Rodelas, pinatay dahil sa galit
Galit na nagmula sa tsismis ang tinitignan ng mga pulis na dahilan sa pagpatay sa modelo at TV talent na si Julie Ann Rodelas. Ayon sa hepe ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit na si Chief Inspector Rodelio Marcelo, kinukonsidera na nila bilang mastermind si Althea Altamirano at ang kasintahan nitong si Fernando Quiambao Jr. "Sa interview ni Althea may galit siya sa biktima, kay Julie Ann... Si Quiambao napagkwentuhan niya ng ganung pangyayari... sabi ni Quiambao siya na ang bahalang magbigay ng leksyon kay Julie Ann," sabi ni Marcelo sa panayam sa dzBB. Binaril ng ilang beses si Rodelas, 20, sa Cubao sa Quezon City noong Nobyembre 6. Inaresto ng mga pulis sina Altamirano at Quiambao sa Pampanga noong Sabado ng gabi. Samantala, dalawang iba pang suspek ang naaresto na rin, dagdag ni Marcelo. "Lumalabas na utak narito sa dalawa, kung hindi si Althea, si Fernando," ani Marcelo. Ayon sa opisyal, nasawi ang isa pang suspek sa isang engkwentro sa mga pulis noong Sabado ng gabi, samantalang dalawa pang iba ang pinaghahanap. "Ongoing pa ang follow-up operations natin. May dalawa pang pangalan kasama sa diumano pumatay kay Julie Ann. Pero huwag muna natin banggitin sa ere," sabi ni Marcelo. Inaasahan na ring masasampahan ng reklamong murder ang magkasintahan ngayong araw. — LBG, GMA News