Pep.ph
GMA News Online
Showbiz

Marian Rivera to venture into film production in 2013

December 3, 2012 4:04pm


“Talaga? Totoo ba ‘yan?”

Ito ang balik-tanong ni Marian Rivera nang hingan ng reaksiyon tungkol sa magagandang reviews sa performance niya bilang si Angeline sa primetime series ng GMA-7 na “Temptation of Wife.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press si Marian sa maagang pa-Christmas party ng Luminary Talent Management ni Popoy Caritativo sa Annabel’s Restaurant kagabi, December 2.

Natatawang patuloy ng Kapuso Primetime Queen, “Siyempre, masaya!

“Pinaghandaan ko talaga ang Temptation, lalo na yung pagiging Chantal ko.”

Si Chantal ang magiging bagong karakter ni Marian sa teleserye kapag “namatay” na si Angeline.

“Talagang kami ni Direk [Dominic Zapata], yung EP [executive producer] namin, pinag-uusapan namin, ‘Anong approach ba ang kailangan kong gawin as Chantal?'

"'May limitasyon ba? Willing ka bang mag-bathing suit? Willing ka bang mag-ganito?’

“Sabi ko naman, ‘I have no limitation pagdating kay Chantal.’

“Kumbaga, bathing suit, go, bathing suit! Yung ganun.”

Kahit 'yung atake raw ni Marian bilang si Angeline na sobrang inaapi ay iniba rin niya bilang napakarami na rin niyang ginawang “api-apihan” na roles sa mga nauna niyang teleserye.

Sabi ng aktres, “Actually, pinag-usapan namin ng direktor ko kung anong approach ang gagawin. Kung anong paawa-effect din.

“Para at least, no makeup, losya-losyangan lang, pati sa damit.

“So, mineyntain [maintained] namin yun, no makeup.”

Anong limitasyon lang ang sinet niya sa 'Temptation of Wife'?

“Wala, e,” sagot ni Marian.

“Parang itong soap lang yata na ito ang masasabi kong no limitation talaga.

“Ayoko na rin namang mag-reject. Parang ang dami ko na rin namang pinagdaanan.

“Example, yung bathing suit, hindi naman ako ma-bathing suit na tao.

“Pero kung hinihingi sa eksena, why not, di ba?”


THREE MOVIES IN 2013. Masasabing naging maganda ang taong 2012 para kay Marian.

Wala man siyang nagawang pelikula ngayon taon ay naka-apat na TV projects siya: “My Beloved,” “Tweets For My Sweet,” “Extra Challenge,” at “Temptation of Wife.”

Ano naman ang inaasahan o inaabangan niya sa 2013?

“Marami, e,” sambit ni Marian.

“Siyempre, unang-una sa lahat, tuluy-tuloy pa rin ang 'Temptation of Wife.'

“Tapos yung 'Extra Challenge,' sana ma-extend kami. Pero yung pinirmahan ko kasi dun, one season lang.

“So, malay mo, ma-extend kami.”

Tatlong pelikula naman ang nakatakda niyang gawin sa 2013.

Una na rito ang balik-tambalan nila ni Richard Gutierrez na “My Lady Boss.”

Dagdag pa ni Marian, “Tapos, meron akong makakasama na isang malaking artista sa kabila [ABS-CBN]. Medyo ano siya, action-comedy.

“Tapos 'yung kay Coco Martin, baka matuloy na.”

Pero ayon kay Marian, hindi pa puwedeng pag-usapan ang pelikulang gagawin niya kasama ang isa pang malaking artista mula sa Kapamilya network.

“Siyempre, gusto niya, kaming dalawa ang sabay na ipapatawag sa press.

“Baka magka-presscon kami. So, ayoko munang pangunahan.

“Pero nakakatuwa, unexpected na makakasama ko siya.”

Posible raw na pagkatapos ng Richard movie niya sisimulan ang sinasabi niyang action-comedy film.

“Pero this December, magtu-two shooting days na ako,” banggit ni Marian.


MARIAN AS FILM PRODUCER. Sa naturang pelikula rin daw susubukan ni Marian maging producer.

“Siya at ako ang producer,” sabi ng Kapuso actress.

Nilinaw rin ni Marian na hindi raw yun ang ipo-produce na pelikula niya ng boyfriend na si Dingdong Dantes.

“Iba yung kanya. Mala-Angelina Jolie something, 'Colombiana.'”

Magpo-produce na rin pala siya?

“Dapat hindi, kaso, noong in-open sa akin at saka nilatag, mismong si Dong na rin ang nagsabi sa akin na, 'Bakit hindi mo i-try?'”

May pangalan na ang production company niya?

“Wala lang! Marian lang! YanYan Production!" biro niya.

“Wala lang. Ita-try ko lang ‘to. Malay mo, maging successful.

“Kapag naging successful, mag-co-prod din ako kay Dong.

“Pero sa ngayon, try ko muna dito sa kasama ko ngayon.

“Kasi, siya rin, mag-i-invest din siya. So, sabi ko, ‘Sige, invest din ako.’”

Dahil nabanggit ni Marian na baka subukan niya ring mag-co-produce sila ni Dingdong, tinanong siya ng PEP kung may business ba silang dalawa na magkasosyo?

“Wala! Ayoko,” nakangiti niyang sabi.

Bakit okay sa kanyang magco-produce sila?

“Iba naman kasi yun. Iba naman ang pangalan niya sa company ko. Oh!” natatawa niyang hirit.

Kailan naman sisimulan ang ipo-produce sa kanyang pelikula ni Dingdong?

“Parang hindi ko yata siya kakayanin. Siguro, end of next year pa siya. Malay mo, [Metro] Manila Film Festival.”

Action movie ba ito?

“Oo, parang 'Colombiana.' Pangarap ko yun, e.”’

Ang “Colombiana” ay ang 2011 Hollywood movie na pinagbidahan ni Zoe Saldana. — Philippine Entertainment Portal