ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Hindi sa buwan ng Disyembre nang unang idaos ang MMFF


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Tuwing Disyembre, inaabangan ng publiko--lalo na ng mga mahilig sa pelikulang Pilipino-- ang taunang Metro Manila Film Festival (MMFF). Pero alam niyo ba na hindi buwan ng Disyembre nang unang idaos ang nabanggit na festival? Taong 1975 nang simulang idaos ang Metropolitan Film Festival na kilala na ngayong bilang Metro Manila Film Festival. Sa festival na ito, mapapanood ang ilang piling pelikula na magsisimula sa Disyembre 25 hanggang sa unang linggo ng Enero ng sumunod na taon. Sa buong linggong ito, tanging mga pelikulang Pilipino lang ang mapapanood ng publiko at walang dayuhang pelikula. Layunin nito na itaguyod at suportahan ang industriya ng pelikulang Pilipino. Kung ngayon ay tuwing Disyembre isinasagawa ang festival, nang ilunsad ito noong 1975, idinaos ito sa petsang Setyembre 21, kasabay ng paggunita sa ikatlong taong anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar. Ang walong pelikula na naging unang mga kalahok sa festival ay ang Araw-Araw Gabi-Gabi; Alat; Batu Bato sa Langit, Tamaan ay Huwag Magagalit; Diligin mo ng Hamog ang Uhaw na Lupa; Kapitan Kulas; Karugtong Ang Kahapon; Postcards from China; at Siya'y Umalis, Siya'y Dumating. -- FRJimenez, GMA News