RH bill, inaprubahan na ng bicam committee
Dalawang araw lamang matapos makalusot sa ikatlo at huling pagbasa sa dalawang kapulungan ng Kongreso, inaprubahan na ng bicameral conference committee nitong Miyerkules ng hapon ang kontrobersyal na Reproductive Health bill. Ayon sa mga nagsusulong nito, nais nilang iratipika ang pinagsamang RH bill bago ang kanilang holiday break. Nakatakdang magsumite ng unified legislation ang komite na hiwalay na ratipikahin ng House of Representatives at ng Senado bago ito ipasa kay Pangulong Benigno Aquino III para malagdaan bilang isang ganap na batas. Ang RH bill ay inaasahang makapagbigay ng reproductive health services, kabilang na ang mga natural at artipisyal na contraceptives, sa publiko. Isinusulong din nito ang pagbibigay ng mas mabuting maternal care, mga aral sa pagiging mga mabuting magulang, at ang pagtuturo sa kabataan ng mga sexual at reproductive na usapin. Lubos na tinututulan ng Simbahang Katoliko ang panukala dahil ayaw nito ang kahit anong artipisyal pamamaraan sa pagpigil sa panganganak. Nauna nang inihayag ni Senator Pia Cayetano na nais niyang magkaroon ng resolusyon sa mga kinukwestiyong mga probisyon sa panukala sa isang pagpupulong lamang ng bicameral conference committee. Inaasahan din niyang maaprubahan at maratipika ang RH bill sa araw ding ito. Ayon sa kanya, kinukwestiyon ang mga probisyong nagsusulong sa pagbibigay ng RH services, pagbibigay ng contraceptives sa mga menor de edad, at "mandatory" na pagbibigay ng RH education. "That [ratification today] would be ideal. Medyo confident naman ako na yung mga isyu na 'yun kayang ma-resolve," ani Cayetano bago ang simula ng pagpupulong ng bicameral conference committee sa Pasay City. "Wala kaming session tomorrow [Thursday] unless magpatawag ng special session so we really have to try to do it today," dagdag niya. Magsisimula ang holiday break ng Senado sa susunod na linggo. Ang plenary session sa Miyerkules ay ang pinakahuli para sa taon. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News