ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

32 katao, huli sa paglabag sa firecracker ban sa Davao City


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Umabot na sa 32 katao ang dinakip dahil sa paglabag sa firecracker ban sa Davao City. Karamihan umano sa mga nahuli ay mga menor de edad. Sa ulat ng dzBB radio nitong Martes, sinabi ni Superintendent Ronald dela Rosa, hepe ng Davao City police, na anim lang sa 32 nadakip ang hindi na menor de edad. Itutuloy ang pagsasampa ng kaso sa anim na nakatatanda, habang dadalhin naman sa social welfare office ng lungsod ang mga menor de edad. Mahigpit na ipinagbabawal sa Davao City ang pagbebenta at paggamit ng paputok sa lungsod mula pa noong 2001. Dahil madalas na "zero casualty" ang lungsod sa pagsalubong sa bagong taon, ilang lugar na rin ang sumunod sa pagpapairal ng firecracker ban. Sa pagsalubong ng bagong taon nitong 2012, lumitaw na mas mataas ng 2.2 percent ang nasaktan (949 kaso), kumpara sa pagsalubong sa bagong taon ng 2011. Gayunman, mas kaunti ang nasawi dahil sa paputok sa pagsalubong sa bagong taon ng 2012 na mayroong dalawang kaso, kumpara sa anim noong 2011. - FRJ, GMA News

Tags: davaocity