Pitong barangay sa South Cotabato, binaha
Mahigit 526 kabahayan sa pitong barangay sa South Cotabato ang apektado dahil sa pagbaha dulot ng pag-apaw ng mga ilog sa lugar nitong weekend. Inihayag ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) nitong Lunes na naganap ang pagbaha nitong Linggo sa bayan ng Norala sa South Cotabato. Ayon nito, apektado ng pagbaha ang mga barangay ng Esperanza, Poblacion, Lapuz, Liberty, San Jose, Simsiman at Matapol. "There has been a report regarding the overflowing of rivers, which affected seven barangays of the municipality or 526 households," anang NDRRMC. Dagdag pa nito, hindi na inilikas ang mga residente dahil humupa rin agad ang baha. Gayunpaman, may ilang mga pananim, tulay at ari-arian ang napinsala dulot ng pagbaha. Nagbabala ang state weather forecasters sa posibleng pagbaha at pag-landslide sa ilang bahagi ng Mindanao dahil sa pag-ulan dulot ng low-pressure area (LPA). Nitong Lunes, inihayag ni PAGASA forecaster Connie Dadivas na maaaring mag-landfall ang LPA sa Mindanao at tuluyang maging isang cyclone. Ang nasabing LPA ay papangalanang Bising kapag naging cyclone ito. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News