GMA News Online
Showbiz
»
Chika Minute

Vaness del Moral, lilihis sa karaniwan niyang role sa Indio

January 10, 2013 9:58pm



Hindi tulad ng mga nakasanayang kontrabida roles ng Kapuso actress na si Vaness del Moral, kakaiba ang kanyang gagampanang papel sa pinakabagong epic-fantaserye ng GMA-7, na Indio.

Sa ginanap na special screening ng pilot episode ng nasabing show sa SM Megamall nitong Miyerkules ng gabi sa Cinema 5 ng SM Megamall, ikinuwento ni Vaness ang kaibahan ng pagiging kontrabida niya sa mga serye kumpara sa kanyang "mabait" na papel sa Indio.

Aniya, "Sa 'Faithfully' super kontrabida, dito naman super mabait ako. Tapos by week five o week six, doon na ako magsisimulang lumaban dahil maraming naganap sa buhay ko na hindi ko nagustuhan na alam kong kagagawan ng Kastila."

Noong nakaraang taon, ipinamalas ng aktres ang kanyang galing sa pagiging kontrabida sa panghapong soap na "Faithfully" bilang si Dina.

Kaya naman nagpapasalamat si Vaness dahil tinulungan siya ng kanyang mga katrabaho na magampanan ang kanyang papel sa Indio.

Kwento pa nito, "Natulungan naman ako nila Direk Dondon [Santos] at nung ibang co-actors na doon sa character ko. Di ba doon sa Faithfully sobrang sama ng ugali ko, tapos biglang shift ang bait ko naman dito, na medyo nahihirapan ako dahil hindi ako sanay na maging sobrang bait."

Pag-amin ng aktres, nasanay na siya na siya ang nagpapaiyak at nananakit sa mga bida.

"Pero dito sa Indio, ako 'yong sinasampal, ako 'yong sinasabunutan, ako 'yong sinasaktan, ako 'yong pinapaiyak, so malaking adjustment," patuloy niya.

Gayunman, masarap daw ang kanyang feeling dahil nabigyan siya ng pagkakataon na gumanap ng mabait at inaaping role.

Pero kung papipiliin daw si Vaness, mas gusto niyang gampanan ang mga kontradiba roles dahil nalalaro niya ang karakter.

"Mas masarap (ang kontrabida). Mas nalalaro mo siya, mas marami kang pwedeng gawin. Mas nae-explore mo kaysa 'pag ikaw 'yong bida o ikaw 'yong pinapaiyak. Parang for me, a, limited yong pwede mong gawin unless ikaw 'yong bida na pinapaiyak ng pinapaiyak tapos bandang dulo, babangon, lalaban," paliwanag niya.

Gaganap si Vaness bilang si Elena sa Indio, ang kasambahay ni Senyor Juancho Sanreal (Michael de Mesa) at kaibigan ni Esperanza (Jennylyn Mercado).

"Bayad-utang dahil makapagbayad ng tributo 'yong mga magulang ko so kinuha ako ng Senyor, ni Michael de Mesa para magtrabaho sa kanila," paliwanag ni Vaness sa kanyang role. "Tapos hanggang sa tumagal marami kasi akong nalalaman na secrets dahil kay Esperanza, and then momolestiyahin ako dito ni Michael de Mesa, and then 'yon ang magiging dahilan kung bakit ako babaliktad. Kakalabanin ko ang mga Kastila."

Nakatitiyak si Vaness na iibigin ng mga manonood ang kanyang karakter sa Indio dahil sa kanyang kabaitan.

"Dito lang sila maaawa sa akin. Hindi sila maiinis, magagalit, hindi nila ako mumurahin sa Indio. Bagkus mamahalin nila 'yong character ko, magugustuhan nila 'yong character ko. Pwede silang ma-in love doon sa character ko dahil mabait nga ako," patuloy niya.

Dagdag ng aktres, "Ako looking forward ako lagi na mag-taping sa Indio dahil natutuwa ako sa mga kasama ko, natututo ako sa kanila. Relax siya, hindi masyadong tensiyonado, hindi masyadong nagmamadali, 'yong chill lang lahat."

Mapapanood na ang Indio simula sa darating na Lunes, Enero 14, sa GMA Telebabad. -- lawaran at istorya ni Mac Macapendeg/FRJ, GMA News
Go to comments




We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus