Kandidatura ni Aga Muhlach bilang kongresista, buhay pa
Nananatiling buhay ang pag-asa ng aktor na si Aga Muhlach na tumakbong kongresista sa Camarines Sur matapos magpalabas ng temporary restraining order (TRO) ang Court of Appeals (CA) kaugnay sa naunang desisyon ng mababang korte na alisin siya sa listahan ng mga botante ng San Jose, Camarines Sur. Kinatigan ng CA nitong Martes ang petisyon ng kampo ni Aga laban sa naunang desisyon ng Municipal Trial Court at Regional Trial Court ng San Jose, na alisin ang aktor at misis niyang si Charlene Gonzales-Muhlach dahil hindi nila nakamit ang minimum residency requirement sa mga nagpapatalang bagong botante sa isang lugar. Sa positibong tugon sa petisyon ng kampo ni Aga, nagpalabas ng 60-day temporary restraining order ang CA laban sa pagpapatupad ng kautusan ng mas mababang korte. Kung natuloy ang pag-alis sa mag-asawang Muhlach sa listahan ng mga botente ng San Jose, mawawalan din ng karapatan si Aga na tumakbong kongresista sa ika-apat na distrito ng Camarines Sur. Si Aga ang magiging pambato ng Liberal Party (LP) sa nasabing distrito sa darating na May elections. Ayon kay Atty. Romulo Macalintal, abogado ng mga Muhlach, "effective immediately" ang ipinalabas na TRO ng CA. "The CA ordered the Election Registration Board (ERB) of San Jose to reinstate the couple on the voters' list," pahayag ni Macalintal. Idinagdag ng abogado na pinaglalagak ng CA ang mag-asawa ng P200,000 bond, "to ensure good compliance... in case damages are later on incurred by any of the parties." Una rito, ipinaliwanag ni Macalintal na nagkamali ang mababang korte sa interpretasyon kung kailan dapat magsimula ang bilang ng anim na buwan na residency requirements sa mga botante. Babala ng abogado, mapagkakaitan ng karapatan ang kanyang mga kliyente ng "constitutional right of suffrage" kapag hindi nagpalabas ng TRO ang CA at naipatupad ang kautusan ng mas mababang korte. Iginiit ni Macalintal na sa Resolution No. 9149 ng Commission on Elections (Comelec), na nagsasaad na, "new registrants may register not earlier than May 12, 2012. Ang bilang sa period o residency ay dapat magsimula anim na buwan bago ang halalan at hindi bago ang panahon ng registration. "The use of the word 'may' clearly shows that this provision is not mandatory. While the Muhlachs applied for registration on March 19, 2012, the same is not a violation of the 'May 12, 2012' date provided for by the Comelec because even the poll body urged new voters to register early," ayon kay Macalintal. "This is clear abuse of discretion because the law is very clear in that a voter must be a resident of the place for at least six months before the election and not before registration," dagdag pa niya. "Since the courts found that the Muhlachs have been residing in San Jose as of February 17, 2012 then it is as clear as the sunlight that they have more than complied with the 6-month residency before the May 13, 2013 elections, or a period of one year and 3 months from February 17, 2012 to May 13, 2013," patuloy ni Macalintal. - FRJ, GMA News