GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Ugat sa kanang mata ni Sen Santiago, pumutok dahil sa hypertension

January 16, 2013 9:10pm

Matapos sumalang sa panayam sa telebisyon at muling bumanat laban kay Senate President Juan Ponce Enrile, sinasabing tumaas ang presyon ng dugo at nagka-hypertension si Senador Miriam Defensor-Santiago na dahilan ng pagputok ng mga ugat nito sa kanang mata.

Sa pahayag na ipinalabas ng tanggapan ni Santiago nitong Miyerkules, sinabing kinumpirma ng ophthalmologist na si Dr. Rodolfo Chuanico na ang pagputok ng ilang ugat sa mata ng senadora ay dulot ng hypertension.

Sinabi naman ng nurse ni Santiago na si Elsie Gayo, umabot sa 190/115 ang blood pressure ng senadora.

Nakipag-ugnayan na umano si Gayo sa personal doctor at cardiologist ni Santiago na si Dr. Esperanza Cabral.

Naganap umano ang pagputok ng ugat sa mata ni Santiago matapos siyang dumalo sa isang programa ng ANC nitong umaga ng Miyerkules.

Muling napag-usapan sa programa ang mainit na bangayan nila ni Enrile.



Matapos umano ng programa, napansin ng mga tauhan ni Santiago sa mga kuha sa larawan ang pamumula at pagkakaroon ng tila namuong dugo sa paligid ng kanyang pupil.

"Apparently, Santiago developed hypertension after appearing on the early morning TV show “Headstart" with host Karen Davila. Santiago was visibly agitated when she accused Enrile of making personal attacks on her, which, according to her, is not allowed in decent society," nakasaad sa pahayag.

Pinayuhan naman si Santiago ng mga duktor na ipahinga ang kanyang mata at ituloy ang kanyang hypertensive medication.

Muling nagkainitan sina Santiago at Enrile nang maiulat ang pamamahagi ng huli ng karagdagang pondo sa opisina ng ilang senador sa nanggaling sa "savings" o natirang pondo ng Senado kahit papatapos na ang taong 2012.

Hindi kasama si Santiago sa nabigyan ng karagdagang pondo, gayundin ang grupo ng minorya sa Senado na kinabibilangan nina Sens. Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano at Antonio Trillanes IV. -- Mandy Fernandez/FRJ, GMA News




We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus