GMA News Online
Showbiz
»
Chika Minute

Ilang K-Pop groups, nasa bansa para sa concert

January 18, 2013 5:37pm
Damang-dama ang K-Pop fever sa bansa sa pagdating ng ilang K-Pop groups para matanghal sa bansa. Nitong Biyernes, dumagsa ang fans ng mga foreign artist sa airport para makita ang kanilang mga idol.

Sa ulat ni Cata Tibayan sa Star Bites ng Balitanghali nitong Biyernes, sinabing lumapag sa Terminal 2 ng Ninoy Aquino International Aiport (NAIA) bago magtanghali ang eroplanong sinakyan ng grupong Infinite at U-Kiss.

Nang lumabas na sa airport ang mga miyembro ng grupo, hindi na magkamayaw ang mga fans na ang ilan ay nagmula pa umano sa lalawigan, habang ang iba naman ay maagang nagtungo sa paliparan.

Pero kahit nakaalis na ang mga miyembro ng grupong Infinite at U-Kiss, mayroon pa ring mga tagahanga na nanatili sa airport para hintayin ang pagdating ng grupong XO.

Bukas naman inaasahang darating ang grupong Girls Generation.



Seoul Invasion concert

Samantala, limang K-Pop group naman ang magtatanghal sa Aliw Theater na tinawag na Seoul Invasion na gaganapin sa Pebrero 7, Sabado, 7:00 p.m.

Sa isang pahayag, sinabing magsasama-sama sa concert ang grupong Tahiti, Excite, A-Prince, Delight, at Mellow:D.

Ang all-female group na Tahiti ay ipinakilala sa publiko sa pamamagitan ng kanilang pre-debut documentary na tinawag na, "Ta-dah! It's TAHITI."

Pawang babae rin ang miyembro ng Mellow:D na mas kilala bilang isang rap group na nasa likod ng awiting “Bowwow."

Una naman nasilayan ang grupong Excite noong nakaraang Oktubre sa pamamagitan ng kanilang unang single na “Try Again."

Ang grupong A-Prince naman ay binubuo nina Sung Won, Taehyuk, Min Hyuk, Seung Jun, at Si Yoon.

Maituturing pinakabeterano sa limang grupo ang Delight na nagtatanghal na noon pang 2009 ay nakilala sa kanilang album na Hedgehog’s Dilemna.

Maaaring mabili ang tiket para sa Seoul Invasion sa mga SM Ticket outle o tumawag sa telepono bilang 470-2222. -- FRJimenez, GMA News
Go to comments