Bangayan nina Cayetano at Enrile sa Senado, naging 'personalan'
Naging personal ang alitan nina Senate President Juan Ponce Enrile at Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules sa Senado na nag-ugat sa umano'y hindi pantay-pantay na pamamahagi ng pondo ni Enrile sa mga senador. Sa kanyang talumpati sa plenaryo, pinuna ni Cayetano ang tila labis na kapangyarihan sa Senado ni Gigi Reyes, chief of staff ni Enrile. Una rito, binatikos ni Reyes si Cayetano sa panayam sa radyo kamakailan dahil din sa usapin ng pondo sa kapulungan. Ayon sa senador, naging malapit sina Enrile at Reyes kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Malapit din umano si Reyes sa mga Tinga na kalaban sa pulitika ng mga Cayetano sa Taguig. Kasalukuyang alkalde sa nabanggit na lungsod ang misis ni Cayetano na si Mayor Lani Cayetano. "Alam naman po natin paano ninyo po pinapatakbo ang Senado or more accurately how you and Atty. or Ma'am Gigi runs the Senate. Ako po madalas ninyo apihin Mr. Senate President Enrile. Ngunit never ko po kayo binastos. [I] always treated you with respect," ayon kay Cayetano. Ginawang halimbawa ni Cayetano ang hindi pagbibigay sa kanyang opisina ng karagdang pondo ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) na natanggap ng ibang senador. Bukod pa rito ang pag-alis ng dalawa niyang empleyado sa secretariat ng Senado. Inakusahan din ni Cayetano si Enrile na hinarang ang kanyang pagkakatalaga bilang miyembro sa Commission on Appointments at maging sa mga komite. "Umpisa palang ginawa na ninyong paraan na hindi ako makaupo sa Commission on Appointments kaya nag-filibuster pa ako dito kung naaalala ninyo," reklamo niya. "[Pero] hindi po ako umangal, I was a gentleman. Hindi po ako umangal sa publiko, I just took it, administrasyon niya ito, okay lang. Baka naman may kinainis kayo sa akin." "Let's call a spade a spade, bakit ba kayo inis at galit sa akin personally?" tanong ni Cayetano. Bagaman natutukso, sinabi ni Cayetano na hindi na niya idedetalye ang personal na relasyon ni Enrile sa kanyang chief of staff na si Reyes. "Tempted po talaga ako Mr. President na sumagot tempted ako na magsalita din ng ganyan. Bakit po ako tempted? Bakit po ako natutukso na sumagot? Dahil sa bawat isang kasinungalingan na inilabas sa akin na nilabas ninyo mayroon akong 100 katotohanan ang alam ko sa inyo at ni Ma'am Gigi," diin niya. "Ngunit hindi po ako magpapatukso, mamersonal o mawala sa issue. Hayaan ninyo na lang na naipaliwanag ko nang maikli man lang at maipagtanggol ang minana kong pangalan dahil 'yan lang po ang kayamanan namin ng ate ko, ang Cayetano name na inalagaan namin," patungkol ni Cayetano sa kanyang nakatatandang kapatid na si Sen Pia Cayetano. Kasunod nito, hinamon ni (Alan) Cayetano si Enrile na hayaan na magsagawa ng private auditing sa mga gastusin ng Senado sa ilalim ng liderato ni Enrile. Puna niya, mula nang maupong lider ng Senado si Enrile ay lumaki ang pondo ng institusyon. Mula umano sa P750 milyon, lumobo ang kanilang pondo sa P1.5 bilyon. Sa nasabing pondo, P428 milyon ang inilaan sa oversight committee at P1 milyon sa MOOE ng mga senador. "Ang matitira po sa Senado a little over P600 million. So my question Mr. Senate President, paano po nili-liquidate itong P600 million? I was told a big part of this is being liquidated by certification," puna ni Cayetano. "I challenge you allow private auditing firms to look into the finances of the Senate," paghamon niya. Nadamay ang patay Sa kanyang talumpati at sagot sa mga sinabi ni Cayetano, buwelta si Enrile at sinimulan sa umano'y P37 milyon utang na iniwan ng namayapang ama ni Cayetano na si dating Senador Renato Cayetano. Ayon kay Enrile, hindi niya sinisingil ang magkapatid na Cayetano sa utang sa kanya ng kanilang ama pero nabanggit lang niya ito at ayaw na umano niyang pag-usapan pa. "Tungkol sa iyong yumaong ama ang masasabi ko lang nandito po hanggang ngayon hindi niya nababayaran na utang niya na ginastos niya sa opisina namin na itinayo ko para merong siyang pakain sa pamilya niya, P37 million na hanggang ngayon ay hindi namin sinisingil alang-alang lang sa pagsama-sama namin," pahayag ni Enrile na naging law partner ng nakatatandang Cayetano. Hindi naman nagustuhan ni (Alan) Cayetano ang pagkakadawit ng kanyang ama sa usapin ng pondo ng kasalukuyang liderato ng Senado. Bukod dito, wala na ang kanyang ama para magpaliwanag tungkol sa sinasabing utang ni Enrile. Bago pa tuluyang magkainitan ang dalawa, sinuspindi muna ang sesyon para mapakalma sina Enrile at Cayetano. Sa pagbabalik ni Enrile, iginiit niya na dati nang ginagawa ang pagdagdag sa MOOE at hindi niya inimbento lamang. "This is a practice I have known since the birth of the Senate in 1940. The members of the minority were never given any chairmanship for any committee. You are not entitled to any privileges. I was treated that way elected in 1987," paliwanag niya. "The practice of giving MOOE to member of the Senate is not my invention, the liquidation system being used in the Senate was not invented by me. I inherited it," dagdag pa ni Enrile. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News