ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Conviction rate ng Ombudsman, bahagyang umangat nitong 2012


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Bahagyang umangat ang conviction rate ng Office of the Ombudsman nitong 2012 bagaman mas kakaunti ang iniakyat nilang kaso sa Sandiganbayan kumpara noong 2011. Batay sa year-end report ng Judicial Records Division ng Sandiganbayan, umabot sa 311 kaso ang naisampa ng Ombudsman sa anti-graft court noong 2012. Sa naturang bilang, 52 dito ang naipanalo ng prosekusyon para sa 16.72 percent conviction rate. Mas mataas ito sa 16.1 percent conviction rate na naitala noong 2011 kung saan 81 kaso ang naipanalo ng prosekusyon sa kabuuang 503 kaso na naiakyat sa Sandiganbayan. Nakasaad din sa naturang listahan ng Sandiganbayan na 55 kasong isinampa ng Ombudsman ang kaagad na ibinasura; 73 kaso ang napawang sala ang akusado; 76 kaso ang na-archived; 52 ang iniurong ng Ombudsman; at tatlo ang ibinasura dahil sa kawalan ng merito. Kabilang sa mga kasong isinampa ng Ombudsman sa Sandiganbayan ay ang mga kasong pandarambong laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kaugnay sa iligal na paggamit umano ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at kinanselang broadband project na NBN-ZTE deal. Nakabinbin din ang kasong katiwalian laban kay dating First Gentleman Mike Arroyo kaugnay naman sa pagbebenta umano nito ng dalawang segunda-manong helicopter sa Philippine National Police. Ang mga kasong isinampa sa Sandiganbayan ay naganap sa ilalim ng pamumuno ni Ombudsman Conchita Carpio Morales, na pumalit sa nagbitiw na si dating Ombudsman Ma. Merceditas Gutierrez noong April 2011. - RP/FRJ, GMA News

Tags: ombudsman