GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Nawalang imahe ng Sto. Niño De Romblon, natagpuan makalipas ang mahigit 2 dekada

January 31, 2013 9:00pm
Makaraan ang mahigit dalawang dekada, muling maibabalik sa lalawigan ng Romblon ang pinaniniwalaang milagrosong imahe ng Sto. Niño de Romblon na nawala noong Disyembre 1992.

Ayon kay Romblon Rep. Eleandro Jesus Madrona, naibalik ang Sto. Niño sa tulong ng isang kolektor ng mga imahe ng batang Jesus sa Aklan.

"Itong antique collector, ipinaalam niya sa kaibigan niyang si Fr. Joebert Villasis na may bago siyang imahe ng Sto Niño; na ang sabi ng nagbigay ay Sto Niño de Romblon," kwento ng kongresista sa GMA News Online nitong Huwebes.

Patuloy ni Madrona, humingi naman ng tulong si Fr. Villasis sa isa nitong kaibigang propesor na may kaalaman sa nawawalang Sto Niño de Romblon para maberipika. At nang makita ang pagkakahawig ay nakipag-ugnayan na ito sa kanya.

Kasama si Msgr. Nonato Ernie ng Romblon at ang taong nagbibihis noon sa imahe, pinuntahan nina Madrona ang Sto. Niño para masuri at doon nakumpirma na ito ang imahe na nawala sa St. Joseph Cathedral ng Romblon.

"May mga feature kasi ang Sto Niño na talagang palatandaan gaya nung sa mata niya na parang nakasalamin, saka sa katawan. Kaya isinama namin yung laging nagbibihis sa kanya," paliwanag ni Madrona.

Sa hiwalay na panayam ng Radio Veritas, sinabi ni Fr. Villasis na ang kanyang kaibigan na si Prof. Jun Mijare ng Aklan Catholic College, ang unang sumuri sa imahe at nakipag-ugnayan kay Madrona.

Ayon kay Madrona, limang araw pa lang umano sa antique collector ang imahe at wala na itong saplot nang makuha. Napag-alaman naman na ang nawawalang Sto Niño ay 10 taon na sa pangangalaga ng taong nagbenta sa kolektor na humiling na huwag na lamang siyang pangalanan.

"Yung taong nagbigay sa kolektor ng Sto Niño ay hindi siya kolektor. Ten years daw sa cabinet niya yung Sto Niño. Kung saan napunta yung Sto. Niño doon sa another 10 years, 'yan ang hindi pa namin alam," kuwento ng kongresista.

Laking pasasalamat naman nina Madrona at Villasis sa kolektor na mula sa Aklan dahil ibinigay sa kanila ang Sto Niño nang walang hininging kapalit o kabayaran.

Milagroso

Sinabi ni Villasis na makaraang sunduin sa Aklan Catholic College ang imahe nitong Miyerkules ay kaagad itong nagpahiwatig ng milagro.

Ayon sa pari, nang lumabas ang resulta ng Nurse Licensure Examination ng Professional Regulation Commission nitong Miyerkules, lumitaw na nakapasa ang lahat ng kanilang estudyante sa kumuha ng pagsusulit.

"Lumabas kahapon yung nursing board exams, at 100 percent po kami (pumasa ang estudyante). First time po ito, hindi kami makapaniwala, at ito na ang blessing sa amin," pahayag ni Fr. Villasis.

Sinabi naman ni Madrona, na isa sa maraming kuwento na kanyang narinig tungkol sa tinatayang 400 taong gulang na imahe ng Sto Niño ay madalas itong mawala sa kinalalagyan niya sa simbahan.

"May tawag sa kanya na Sto. Niñong layas. Ang mga kwento-kwento, nawawala 'yan sa simbahan at makikita na lang uli na may maliliit na bulaklak sa paa. Sabi, kaya daw yata pinutol ang isang paa niya para 'di na makalayas," pagbabahagi ng kongresista.

Mula nang mawala ang Sto. Niño, sinabi ni Madrona na parang nabawasan din ang sigla ng Romblon.

"Kaya masaya kami na nakita na siya. Parang isang anak na matagal nawala, matutuwa ang mga kababayan namin," patuloy niya.

Inaayusan at binibihisan na umano sa Quezon City ang imahe bilang paghahanda sa pagbabalik nito sa St. Joseph Cathedral sa Romblon sa Pebrero 9.

"Magkakaroon uli kami ng pista sa pagbabalik niya. Magkakaroon ng ati-atihan at mga banda, basta gagawin namin na masaya ang pag-uwi ng Sto. Niño," ayon kay Madrona. - MP/FRJimenez, GMA News
Go to comments



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus