Escudero, umaasang hihilumin ng panahon ang naging problema sa mga magulang ni Heart Evangelista
Naging agaw-pansin sa ginanap na pagproklama ng Commission on Elections sa anim na nanalong kandidatong senador nitong Huwebes ng gabi ang pagdalo ni Heart Evangelista para samahan ang kanyang nobyo na si Senator-elect Francis "Chiz" Escudero. Sa panayam ng media sa mambabatas, sinabi nito na wala pa siyang plano sa ngayon na kausapin ang mga magulang ni Heart na unang nagpahayag ng pagtutol sa relasyon nila ng Kapuso actress. Para kay Escudero, hahayaan na muna niyang lumipas ang panahon kasabay ng pag-asa na maghihilom din ang "sugat na nilikha ng nangyaring kontrobersiya." “Hayaan nating panahon na lamang siguro ang makapagsabi nun," patungkol ni Escudero sa pagkakaayos nila ng mga magulang ni Heart. "Pero wala sigurong hindi pagkaka-unawaan na hindi mahihilom ng panahon,” dagdag pa niya. Basahin: Unang 6 na nanalong senador, naiproklama na; Heart, dumalo para kay Chiz Ginawa ring halimbawa ni Escudero ang mga prutas na nagiging maasim kapag "hinog sa pilit." Umaasa rin ang muling nahalal na senador na matitigil na ang kontrobersiya sa relasyon nila ng aktres ngayong tapos na ang eleksiyon. Sa kabila ng mga nangyaring intriga, sinabi ni Escudero na wala siyang pinagsisisihan sa ginawang pagmamahal kay Heart. “Kailanman hindi mo dapat pagsisihan. Parang love advice, kahit kailan hindi mo dapat pagsisihan kapag ikaw ay umibig o umiibig,” paliwanag niya. Matatandaan na nasa kalagitnaan ng kampanya nang pumutok ang pagtutol ng mga magulang ni Heart kay Escudero na pinaratangan na bastos at humaharap sa kanila ng nakainom. Gayunman, nanindigan si Heart kay Escudero, at itinanggi ang mga paratang ng mga magulang laban sa kanyang nobyo. Samantala, pinayuhan din noon ni Sen. Miriam Santiago si Escudero na unang gumawa ng paraan upang suyuin ang mga magulang ni Heart. - RP/FRJ, GMA News