ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Hiling na permanent protection order ni Kris para sa anak na si Bimby laban kay James Yap, ibinasura ng korte


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ibinasura ng Makati Regional Trial Court ang hiling ni Kris Aquino na permanent protection order (PPO) para sa kanyang anak na si Bimby laban sa kanyang dating mister na si James Yap. Sa ulat ni Joyce Jimenez na lumabas sa Philippine Entertainment Portal nitong Miyerkules, sinabi nito na nakasaad sa ipinadalang text message sa PEP ni Atty. Sonya Castillo, isa sa mga legal counsel ni James, ang pahayag na, “Court denied their prayer for PPO vs. Bimby.” Sa hiwalay na ulat ng State of the Nation (SONA) with Jessica Soho, sinabi ni Atty. Lorna Kapunan, na ang desisyon ng korte ay mangangahulugan na maaari nang makita ni James ang anak. Basahin: Kris Aquino, nagsalita na sa sigalot nila ni James Yap; isiniwalat na planong iwanan na ang showbiz Naniniwala umano ang korte na walang basehan para pagbigyan ang PPO para kay Bimby at makabubuti umano sa bata na makita ang mga magulang nito, ayon sa ulat. Umaasa naman si Kapunan na igagalang ni Kris ang desisyon ng korte at hahayaan na madalaw ni James ang kanilang anak. Una rito, naglabas ng larawan si James sa kanyang Instagram nitong Martes kung saan kasama niya si Bimby na may nakasaad na "Thank You Lord." Inakala ng marami na nagkasama na muli ang mag-ama pero napag-alaman na lumang litrato iyon ng mag-ama. Gayunman, lumilitaw na indikasyon ito na sa positibong desisyon ng korte sa kanya. Nitong nakaraang Marso nang hilingin at makakuha ng protection order si Kris laban kay James. Basahin: James Yap, napaiyak sa bagong away nila ni Kris Aquino Bunsod ito ng umano'y pambabastos at pananakit sa kanya ng dating mister, na binabulaanan naman ni James. Hindi man pinagbigyan ang PPO para kay Bimby, pinanatili naman ng korte ang PPO para kay Kris, na nangangahulugan na hindi maaaring lapitan ni James ang dating misis. Sinabi ni Kapunan na hindi umano ito magiging problema kay James. Inihayag naman ng abogado ni Kris na si Atty. Frank Chavez, na inaapela nila ang desisyon ng korte. Nais din ng kampo ni Kris na makita ang katibayan na hindi sasaktan at pagmamalupitan ni James si Bimby. - FRJImenez, GMA News