Kris Bernal, sasabak sa daring role sa bagong pelikula
Sa kauna-unahang pagkakataon, magkakaroon ng daring role ang Kapuso actress na si Kris Bernal sa isang pelikula — ang "Isang Tag-Araw sa Buhay ni Twinkle Marie Parawan" ni direk Gil Portes.
"Natutuwa ako at saka at least ngayong parang... makikita rito sa film na ito na may kaya pa akong gawin and very honored din ako na si Direk Gil Portes ang gagawa," pahayag ni Kris.
Tungkol ang pelikula sa isang drug addict na habang nananatili sa rehab ay makikilala ang tunay na ama na unti-unting pinapatay ng sakit na kanser.
Film entry ito ni Direk Portes sa "Festival of 12 Masters" na idaraos sa darating na Setyembre.
Ayon sa ulat ni Lhar Santiago sa "Chika Minute" portion ng "24 Oras" nitong Miyerkules, nag-audition si Kris para sa nasabing role.
"What impressed us more kay Kris, ni hindi namin siya pinabasa ng lines, hindi namin tinanong kung anong magagawa niya, because we know what she can do. But we were impressed by her determination to do the role," ani Direk Portes.
Tatayong leading men naman ni Kris ang Kapuso actors na sina Enzo Pineda at Dominic Roco.
Nabanggit din sa naturang ulat na magkakaroon ng daring scenes si Kris kay Dominic at aminado naman ang aktres na may posilibadad na mailang siya sa Kapuso leading man.
"Si Dominic... hindi ko pa siya nakasama sa isang eksena pero napapanood ko naman siya at alam kong mahusay siya," saad ni Kris.
Dagdag pa nito, "So feeling ko naman makaka-adapt naman ako sa kanya." — Mac Macapendeg/KBK, GMA News