Gina Alajar, 'di minasama ang 'fat memo' sa anak na si Geoff Eigenmann
Kinumpirma ng batikang aktres at direktor na si Gina Alajar na nakatanggap ng "fat memo" mula sa GMA Network ang kanyang anak na si Geoff Eigenmann. Pero wala raw nakikitang masama si Gina sa naturang memo dahil para ito sa ikabubuti ng kanyang anak, ayon sa ulat ni Rose Garcia na lumabas sa Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Biyernes. “Yes, it’s true and I don’t find it negative naman. I think it’s for his own welfare," ayon kay Gina na siyang direktor ng bagong Kapuso series na Anna Karenina. “Of course, he has a big responsibility sa trabahong ito at sa istasyong pinagtatrabahuhan niya. Lalo na, malaking responsibility sa sarili niya,” dagdag niya. Sa ngayon daw nag nagdyi-gym at nagpapapayat ang kanyang anak para mabawasan ang timbang. Nang tanungin kung bakit bumigat ang timbang ni Geoff, sinabi ni Gina na dala umano ito ng pagiging masaya sa buhay ng aktor at bukod doon ang pagkakaroon na rin ng edad. “Well, alam ninyo kasi ang tao, hindi mo napapansin na kapag nagge-gain ka ng age, hindi na kagaya dati na kapag nag-diet ka ng two days, payat na agad," kwento ni Direk Gina. “Which I told him when he turned 27 yata. So, I told him, ‘Hindi ka bumabata at nag-iiba ang metabolism," patuloy niya. Boto kay Carla Inihayag din ni Gina sa naturang ulat ang kagustuhan nito na si Carla Abellana na ang makatuluyan sana ni Geoff. “If there’s any girl na gusto kong makatuluyan ni Geoff o maka-settle down, siyempre si Carla na lang. At least, nandiyan na siya. Ilang taon na rin silang magkasama—alam na nila ang isa’t isa, alam na nila ang ugali nila," paliwanag nito. Natatawa ring ikinuwento ni Gina ang ginagawa niyang pag-push na magkatuluyan ang dalawa. “Ako, hindi ko pa masabi. Pero pinu-push ko na nga si Geoff na, ‘Uy, Geoff, bumili ka na ng singsing… “’Uy, Geoff, I saw a ring…blah, blah, blah!," saad nito. Pero sa kanyang personal na love life, sinabi ni Direk Gina na hindi siya naghahanap dahil masaya naman siya sa kanyang trabaho at mga apo. Hiwalay si Gina sa kanyang dating mister na si Michael De Mesa. “No, if it comes, it comes. If it doesn’t come, wala naman akong problema doon," aniya. -- FRJ, GMA News