GMA News Online
Ulat Filipino
»
Talakayan

Pilipinas o Filipinas:  Ano nga ba ang dapat na baybay sa pangalan ng ating bansa?

July 3, 2013 12:58am
Isinusulong ngayon ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWK) na "Filipinas" sa halip na "Pilipinas," ang gamiting baybay sa opisyal na pangalan ng ating bansa.

Sa ulat ng Balitanghali nitong Martes, sinabing nakasaad sa resolusyon ng KWF noong Abril, na panahon na umano para ibalik sa orihinal na Filipinas ang pangalan ng bansa sa halip na ang nakagawiang Pilipinas.

Sa pamamagitan umano nito ay mapagbubuklod ang mga Pilipino na may tamang kaalaman kaugnay sa kasaysayan ng bansa.

Sinasabing Filipinas ang tawag sa bansa noong 15th century na isinunod sa pangalan ng Spanish King na si Felipe II. Pero nagbago raw ang baybay nito noong 20th Century nang palaganapin na ang abakadang Tagalog kung saan wala na ang titik "F."

Paliwanag ng KWF, ang Filipinas ang ginamit umanong baybay ng mga bayaning sina Dr. Jose Rizal, Apolinario Mabini, Andres Bonifacio at iba pa.

Ayon naman kay Deputy presidential spokesperson Abigail Valte, hindi pa napag-aaralan ni Pangulong Benigno Aquino III ang mungkahi ng KWF na pinamumunuan ngayon ng National Artist for Literature na si Virgilio Almario.

Sinabi ng KWF na nagiging kumplikado at katawa-tawa ang patuloy na paggamit ng “Pilipinas” gayung ang baybay sa wikang pambansa simula sa Konstitusyong 1973 ay “Filipino.”

"Bakit sa gayon “Filipino” ang wika ngunit “Pilipinas” ang bansa at “Pilipino” ang mamamayan at kultura? Saan nanggaling ang tawag na “Filipino” sa wikang pambansa? Higit sanang praktikal na “Filipinas” din ang maging tawag sa bansa at “Filipino” ang tawag sa mamamayan at kultura," nakasaad sa website ng KWF.

Kapag pinahintulutan ang mungkahi ng komisyon, unti-unti umano ang gagawing pagpapalit sa baybay ng Pilipinas tungo sa Filipinas. -- FRJimenez, GMA News 
Go to comments



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus