ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Rasyon ng pagkain ni Napoles, hanggang P115 lamang bawat kainan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Gaya ng pahayag noong Sabado ni Interior Secretary Mar Roxas, dapat ordinaryong pagkain lamang ang magiging rasyon ni Janet Lim-Napoles, na umano'y naging facilitator ng P10-bilyong pork barrel scam sa loob ng 10 taon.
 
Sa ulat ni Isay Reyes ng GMA News TV, menudo, kanin at saging na nagkakahalaga ng P115 ang  rasyon ng tanghalian ni Napoles nitong Linggo ng matapos na mailipat sa Fort Sto. Domingo, Sta. Rosa, Laguna.
 
Dahil patuloy pa rin na mino-monitor ang diabetes ni Napoles, pinag-aaralan pa rin ang klase ng pagkain na dapat ihahain sa kaniya.
 
Pasado alas 6 Linggo ng umaga dumating si Napoles sa kaniyang bagong detention cell sa Laguna mula sa dalawang araw na pananatili sa Makati City Jail.
 
Napalilibutan ng rehas ang kulungan nito at may mga CCTV sa loob at labas para ma-monitor ang mga galaw ng mga taong bibisita sa kanya.
 
Pinaigting pa rin ang seguridad sa lugar para makatiyak sa kaligtasan ni Napoles na inakusahan ng "serious illegal detention," sanhi ng umano'y pagdukot niya sa whistleblower ng pork barrel scam.
 
Kinumpirma din na ang asawa ni Napoles ang kasama nito sa loob ng kaniyang kulungan mula nang ilipat ito sa Fort Sto. Domingo mula sa Makati.

Samantala, patuloy pa rin ang paghahanap ng NBI sa kapatid nito na si Reynald Lim na sangkot din umano sa pagdukot sa whistleblower na si Benhur Luy.
 
Gaya ni Napoles, may arrest warrant din si Lim sa parehong kaso at may patong na P5-milyon sa makapagtuturo sa kinaroroonan nito.

Matatangdaang kusang sumuko si Napoles kay Pangulong Noynoy Aquino noong Miyerkules ng gabi kasama ng abugado nitong si Atty. Lorna Kapunan at Sec. Lacierda matapos ang dalawang linggong pagtatago. — Linda Bohol /LBG, GMA News