1 patay, 2 malubha sa karambola ng mga sasakyan sa Quezon
Isang tao ang nasawi samantalang dalawa naman ang malubhang nasugatan matapos magbanggaan ang anim na sasakyan sa lalawigan ng Quezon nitong Biyernes ng umaga. Nangyari ang aksidente dakong 6:00 a.m. sa Maharlika Highway sa barangay Calumpang sa Tayabas City, Quezon, ayon sa ulat ni radio dzBB reporter Peewee Bacuño. Hindi kaagad kinilala ang nasawi, samantalang dinala naman ang dalawang nasugatan sa Quezon Provincial Hospital para gamutin. Hinuli na ng pulisya ang drayber ng trak na sinasabing nagsimula ng banggaan. Kinilala ang drayber na si Leonardo Benesilda. Ayon sa ulat, tumama ang trailer truck sa isang pampasaherong bus na tumama naman sa isa pang pampasaherong bus. Ang pangalawang bus ay tumama naman sa isang tindahan at sa isang Elf-type truck at isang Asian utility vehicle. Inaalam na ng mga imbestigador kung talagang umuulan nang panahong nangyari ang aksidente na maaaring nagdulot para maging madulas ang kalsada. - JGV/FRJ, GMA News