ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PNoy, hinamon ang kanyang mga kritiko na maghain ng reklamong impeachment laban sa kanya


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hinamon ni Pangulong Benigno Aquino III nitong Miyerkules ang kanyang mga kritiko na maghain ng impeachment complaint laban sa kanya para sa kontrobersiyal na pagpapalabas ng ehekutibo ng pondo sa ilalim ng Disbursement Acceleration Program (DAP).

"Isulong nila kung palagay nila tama sila pero kakabasa ko lang sa Constitution, meron authority sa savings to put to other uses basta nandun sa ating budget. Nakatoka naman yun supposed to be for projects that are already authorized by Congress," ani Aquino matapos dumalo sa Brotherhood of Christian Business and Professionals’ Grand Breakfast sa Pasay City.

Inihayag niya ito matapos sabihin nina dating senador Joker Arroyo at Sen. Miriam Defensor Santiago na ilegal at unconstitutional ang paglalabas ng pondo sa ilalim ng DAP, at maaaring mauwi sa impeachment ng Pangulo.

Ipinagtanggol naman ng pangulo ang DAP, at sinabing kinakailangan ng gobyerno ang pondo upang mapanatili ang pagsulong ng ekonomiya ng bansa.

“Ang reklamo ng business community, ng economic sector, ng ilang mga kritiko natin, ang kupad daw naming gumastos nitong budget, at nawawala ‘yung pump-priming effects. So, ‘yung Disbursement Acceleration Program was meant, ano, ‘yung departamento na efficient na idinivide mo into several years ‘yung gagawain, puwede namang magawa in shorter period of time kung may funding support, ay hinanapan natin ng funds,” ani Aquino.

Tila rin ikinairita ni Aquino ang mga tanong kung ginamit nga ba bilang suhol sa mga senador ang DAP upang bumoto sa pagpapatalsik kay dating Chief Justice Renato Corona.

“Bakit hindi mo tingnan kung kailan na-release? Mayo na-[convict] si Ginoong Corona; yung releases, kung tama ang tanda ko, October. So, meron bang bribe after the fact?” ani Aquino.

Unang lumantad ang isyu ng DAP sa privilege speech ni Sen. Jinggoy Estrada noong nakaraang linggo, nang batikusin niya ang administrasyon sa pagbibigay ng tig-P50 milyon na dagdag pondo matapos silang bumoto sa pagpapatalsik ni Corona.

Isa si Estrada sa mga mambabatas at opisyal ng gobyerno na humaharap sa mga reklamo para sa pagkasangkot nila sa umano'y pork barrel scam na pinamumunuan umano ni Janet Lim-Napoles. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News