ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Outgoing leader ng CBCP, iginiit na dapat tuluyang alisin ang 'pork barrel' funds


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inihayag ng ilang lider ng Simbahang Katoliko na wala nang ibang mabuting gawin sa "pork barrel" ng mga mambabatas at maging ng Pangulo kung hindi tuluyan na itong alisin dahil nagagamit lang umano sa katiwalian.

“I was in the states when the issue on pork barrel blew up pero alam po natin na yung oportunidad na makagawa sana ng kabutihan ay nagamit sa hindi tama. Ang sentiments ng halos lahat ay scrap off na ang pork barrel, lahat pati ang pork barrel ng presidente. Inamin na rin ng karamihan na yung pork barrel ay naging sanhi ng katiwalian,” pahayag sa Radio Veritas ni Cebu Archbishop Jose Palma, papaalis na presidente ng  Catholic Bishops Conference of the Philippines.

Pinuna rin niya ang mga lumabas na ulat na nagamit bilang insentibo ng Palasyo sa ilang mambabatas ang pondo gaya ng ginawang pagpapatalsik kay dating Chief Justice Renato Corona.

Hinihinala rin ni Palma na baka nagamit ang pork barrel funds para maipasa ang reproductive health law na mahigpit na tinutulan ng Simbahan.

Dahil sa mga naglalabasang akusasyon sa paggamit ni Pangulong Benigno Aquino III ng kaniyang pondo, sinabi ni Palma na kailangan na rin nitong pakawalan ang kaniyang pork barrel dahil pinagdududahan na ang senseridad niya sa paggamit ng pondo.
 
Sa hiwalay na panayam na nabanggit na himpilan ng radyo, sinabi naman ni CBCP-NASSA chairman Manila auxiliary Bishop Broderick Pabillo, na dapat makinig si Aquino sa panawagan ng mga tao laban sa pork barrel funds.

“Bakit ba ayaw matanggal-tanggal ang konsepto ng pork barrel? Ang Kongreso ay dapat gumawa ng batas at bantayan ang implementasyon nito kung naipatutupad. Naging source ito ng katiwalian at nagamit din ng Presidente sa pagpapalsik kay Corona. Dapat na tanggalin ang pork barrel bilang delicadesa. Tanggalin na at ipakita ng Presidente na wala siyang interes doon," giit ni Pabillo.

Sa pagbasura sa pork barrel funds, sinabi ng obispo na maipakikita ni Aquino na tunay na malinis ang hangarin nito na maalis ang katiwalian sa pamahalaan.

Sa hinihimay na 2014 budget ng pamahalaan, inalis ang priority development assistance funds ng mga mambabatas at ikinalat sa iba't ibang ahensiya ng gobyerno. Gayunman, hindi naman ginalaw ang Presidential Social Fund ng pangulo na itinuturing pork barrel ng mga kritiko ng gobyerno. -- MP/FRJ, GMA News

Tags: porkbarrel, pdaf