ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Iloilo, pinakamaraming barangay chair na 'di na maaaring tumakbo muli sa kaparehong posisyon sa Oct 28


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nanguna ang Iloilo sa mga lalawigan na may pinakamaraming bilang ng mga kapitan ng barangay na nakakompleto na ng kanilang tatlong termino kaya hindi na maaaring tumakbo sa kaparehong posisyon sa darating na Barangay elections sa Oktubre 28.

Sa datos ng Commission on Elections (Comelec), lumitaw na 268 ang bilang ng mga kapitan sa Iloilo na nakatatlong termino na. Sa ilalim ng batas, hanggang tatlong sunod na termino lang maaaring tumakbo ang isang kapitan ng barangay.

Inilabas ng Comelec at Interior and Local Government ang listahan at mga pangalan ng mga kapitan ng barangay na hindi na maaaring tumakbo sa darating na halalan para sa kaalaman ng kanilang mga kababayan.

Pag-amin ni Comelec chairman Sixto Brillantes Jr., may mga kapitan ng barangay na naka-tatlong termino na pero nakatakbo pa rin at naiproklama noong 2010 elections.

"Maraming nakalusot at na-proclaim na three-termers 'nung 2010. This is what we're trying to avoid," paliwanag ni Brillantes.

Sumunod sa Iloilo na may pinakamaraming kapitan ng barangay na nakatatlong termino na ang Leyte (228), Bohol (183), Batangas (175), at Pangasinan (173).

Bagaman posibleng makapaghain pa rin ng kanilang certificates of candidacy (COC) ang mga overstaying barangay chair, sinabi ni Brillantes na mahaharap naman sila sa election offense na false misrepresentation kapag ginawa nila ito.

Tinatayang nasa 54 milyon ang boboto sa barangay elections, habang nasa 3.2 milyon naman sa Sangguniang Kabataan (SK) election, na ipinapakansela na ng Kongreso. -- FRJ, GMA News